Monday, October 29, 2018

Sisiw!

Habang ika'y inakay at sisiw pa lamang,
Ugaliing mahalin, inahing sa iyo'y nagsilang.
S'yang gumawa ng paraang ika'y maigapang
Na walang tinamong pinlid na nanggaling sa tandang.

Laging tatandaan na sa iyong pagkaykay,
Bawat matuka mo, inahin ang may alay.
Kaya't 'wag kalimutan sa iyong paglalakbay
Kababaang-loob lagi ang gamiting gabay.

Dapat ang inahin ay iyong igalang
Ilaan ang talino, lakas mo at tapang,
Sa mga bagay na mabuti at kapaki-pakinabang
'Pagkat sa ngayon giliw, ika'y sisiw pa lamang!

Tuesday, March 10, 2015

Compromise

Dumarating tayo sa estado ng buhay natin na akala natin OK na tayo, 'natapos na rin ang bagyo, oras na para sa katahimikan', wika mo sa sarili mo. Sinabi mong tama na, masalimuot ang laro ng pag-ibig, you've had your share, tama ng sukli ang bunga ng isang maling relasyon na paglalaanan mo ng buong buhay mo. Kahit pa sinasabi ng mga tao sa paligid mo na kailangang may kasama ka sa pagtanda, ngingiti ka lang at kokontrahin mo sila sa isip mo, 'masaya na ako sa ganito'.

Sa kalagitnaan ng inaakala mong katahimikan, bigla kang may nakasabay, nakakwentuhan, nakapalagayan ng loob hangang sa nahulog na ang loob mo sa kanya. Hindi inaasahang pangyayari na taliwas sa 'masaya na ako sa ganito' - paniniwalang akala mo totoo. Kakaibang saya ang dinala nya sa buhay mo kahit na nahirapan kang maintindihan sya nung una. Tinanggap mo sya, binuksan mo ang pintuan ng buhay mo para lang sa kanya dahil handa kang papasukin sya anumang oras na gustuhin nya. Ganunpaman, wala kang itinago sa kanya kung ano ka. Alam nya kung nasan ang mga butas at depekto ng buhay o pagkatao mo. Isang bagay na nagbibigay sa kanya ng pag-aalinlangan kung papasok ba sya at magiging parte ng buhay mo.

Masakit para sayo ang ganitong sitwasyon. Pero wala kang karapatang umalma kasi ikaw ang may depekto. Hihilahin mo ba sya sa sitwasyong kinalalagyan mo? Kahit na alam mong kaya mo syang pasayahin, andun yung alalahanin na hindi mo maibibigay ang LAHAT sa kanya! Napakaperpekto ng lahat sa paningin at pakiramdam mo kaso palaging lumalabas at sumusulpot yung isang bagay na hindi mo alam kung maibibigay mo ba sa kanya pero syang lagi nyang hinahanap.

Ano ba ang tamang gawin? Ang dali sanang lumayo na lang, tumalikod na lang ng walang lingunan. Kung tutuusin sarili mo rin ang nasasaktan dahil sa hindi pantay o mababang pagtingin sayo dahil sa nakaraan mo, bakit mo pa hahayaang makapasok sya sa buhay mo para lang saktan ka pa lalo? Wala kang depekto! Hindi depekto ang mga pagkakamali sa buhay. Sinabi mong wala kang mapapatunayan kung lalakad ka lang palayo. Meron siguro. Mapapatunayan mo na pwede kang lumayo sa taong mahal mo na hindi handang maging masaya sa kung ano ka at ano ang kaya mong ibigay.

Saturday, March 1, 2014

MINE



T’was just like yesterday
When I saw you with that cake.
You looked blooming and happy,
But in you eyes I saw agony.
Looking back through all those years
I was the reason of your falling tears
Threw the times we spent together
‘Coz I left you for another.

As time went by, each passing day
You met another along your way
And as I lurk each time in your facebook
I noticed how he has brightened your outlook.
I must admit that I felt thankful,
The wife I chose not to have is now joyful.
For in the strong arms of a man who I thought was gay
This lovely bride will live happily day by day.

But destiny has its own plan,
Left you again, broken and damned
Those words you exchanged, ‘I do’
Has now become meaningless, too.


As time went by, each passing day
You tried to smile and feel ok
Held yourself up and put the pieces together
Each broken step of the way has clearly made you stronger.
But in your heart you feel the pain
It pumps questions up to your brain
With an unexplainable fear,
Will this bad luck ever disappear?

Suddenly I heard my sister,
‘Take the cake and do not pester’
I was not honest, I could not tell her
The sight of you has made me falter.
Yeah, I know.. I have no position
I have no right to give direction
I won’t object if your conclusion
Is that in your life, I was a poison

But please my dear friend; hear what I need to say
It won’t take an hour, much more a day
Don’t you dare consider your life as a failure
Behind the tears in your eyes, I know there’s a great future.
Broken relationships do not define who you are,
It just reminds you, life’s not a sweet cookie in a jar
Look forward and cast the bad things away,
In no time, I’m sure, you’ll find someone who’ll stay.

Wednesday, June 26, 2013

looking back

TATAY
sa panulat ni Joey Dote Escobilla


Buhat pa nung ako’y musmos pa sa gulang ,
Alam kong ang Tatay ay isang huwaran
Kahit kami noo’y sa buhay ay kapos,
... Buhay payak at payapa ang ligaya’y lubos

Pag kami’y gutom na,
Ang sikmura’y panay na ang kalam
Siya’y hahagilap ng aming pang-ulam,
... Kahit na masukal lulusong sa sapa, pag-ahu’y may dalang kabuting mamarang

Sa buslo’y mer-on ding himbabao, kadyus
Tapilan, balatong, sari saring talbos
Timpladang masarap Pinisang sampalok,
kinayod na mangga at ginat-ang pupos
Tunay ngang wala ng sasarap sa pagkaing handa
Na ang lahok ay pagsintang tapat at dakila.

Pag ang ibang bata’y may baril-barilan at ako ay wala
Hindi mahihili pagkat areng Tatay ako’y igagawa
Sa may bayabasa’y puputol ng sanga
Tatapyasin, Ilililok, aanyuang baril, Ilalabra

Pag ang papagayo’y nasampit sa bubong
Hanap areng Tatay doon magsusumbong
Agad naman siyang hahanap ng tikin
Upang ialagwas saranggola’t hapin

Pag ako’y maysakit, dis-oras ng gabi’t mataas ang lagnat
Kahit na bagyuhan, Malakas ang kulug at panay ang kidlat
Lulusong sa putik,pipitas ng sambong
Na ang sibulan pa’y sa likod ng tuklong
Kaun ng Mediko kahit na malayo-
Mahirap bagtasin doon sa ibayo.
Aspilet tempra at suposutoryu
Para laang maibsan ang karamdang taglay ng mahal na Bunso.

Tunay Kang dakila o Mahal kong Tatay
Para sa akin nga ay walang kapantay
Isang kang huwarang Ama ng tahanan
Ipagmamalaki at dapat tularan.

Sa iyong pagpanaw mundo ko’y gumuho
Masakit sa dibdib pighati sa puso
Sa bawat sandali ay nangngulila
Sa yakap mo Tatay, sa iyong kalinga

Maaga ka mang kinuha ng Ama
Alam Kong sa takbuhin ikaw ay tapos na
Dun sa bayang banal Dun magkikita
Muling mayayakap muling magsasama…

Friday, July 6, 2012

holy be their names


Ilang taon na rin ako sa trabaho ko bilang assistant ng amo ko na s’yang tagapamahala ng pintuan ng langit. Maayos ang takbo ng trabaho ko at relasyon namin ng amo ko hanggang sa dumating ang isang pagkakataon na hindi namin inaasahang pareho. Isang araw, may dumating na panauhin sa gate na binabantayan namin ng aking amo. Isang pari at isang tsuper ng dyip ang magkasabay na dumulog sa aming tanggapan. Ang order na natanggap ng amo ko, papasukin ang tsuper at tanggihan ang pari dahil nakalagay daw sa report na ang pari ay namumuno ng misa sa nakakawalang-ganang paraan at nakakatulugan ng mga dumadalo sa misa. Samantalang ang tsuper daw, sa kabilang dako, ay kaskasero sa pagmamaneho at lahat ng maging pasahero n’ya ay nagiging paladasal at mas napapalapit sa Diyos sa oras na umupo sa loob ng dyip n’ya.

Pinapasok na ang tsuper at ang pari na bumubulong-bulong sa sama ng loob habang nakatingin sa tsuper ay naiwan habang naghihintay ng sasakyan na maghahatid sa kanya pabalik sa dapat n’yang kalagyan. Napaisip at nanlumo ako sa nangyayari. “Hindi tama ito”, ang sabi ko sa isip ko,”kailangang may gawin ako”. Ilang minuto akong nagmuni-muni at pagkatapos ay naglakas ng loob na kuwestyunin ang amo ko. Ipinaliwanag ko sa kanya na ang mga paring ito ang banal na representasyon ng langit sa lupa. Halos 10 taon ng pagpapakadalubhasa ang ginugol nila para tapatan ang ginawa ni Hesus sa buong buhay N’ya, isang milagrong walang makakapagpaliwanag. Tinanong ko ang amo ko, “sa tingin mo, kung malalaman sa lupa na may isang paring tinanggihan ang langit, maniniwala pa kaya ang mga tao sa langit?” Ipinaliwanag ko sa amo ko kung gaano kabanal ang mga pari sa lupa at kung gaano katibay ang paniniwala ng mga tao na bigay ng mga pari ang kalangitan sa mundo. Ang ipinagtataka ko, parang walang kaalam-alam ang amo ko sa mga sinasabi ko!

Nag-iinit na ang ulo ko sa kakapaliwanag ng kabanalan ng mga pari ng bigla ako hilahin ng amo ko sa loob ng opisina n’ya. Inutusan n’ya akong gumawa ng email gamit ang MS Outlook 2010 at ilagay lahat ng sinabi kong kabanalan ng mga pari (in bullet form). Mabilis ko itong tinayp kahit naiilang ako sa dialogue box sa sulok na nagsasabing Get A Genuine Microsoft Windows at ipinadala namin ito sa kataas-taasang amo para humingi ng konsiderasyon. At dahil online naman ang kataas-taasang amo, agad s’yang sumagot pabor sa pari at sinabi pa n’ya na dahil sa nalaman n’yang pagpapakalat ng mga pari ng mga aral ng kalangitan sa lupa ay bubuksan n’ya ang langit para sa lahat ng pari na ikinalugod naman ng amo ko at ng paring bisita namin. Sinabi pa n’ya na maaring maglabas-masok ang mga pari sa langit dahil sa banal na layunin ng mga ito.

Mabilis na kumalat ang ginawa kong matagumpay na pagtatanggol sa kabanalan ng mga pari sa lupa at hindi ito naging lingid sa mga paring ipinaglaban ko. Nagtipon sila at nagbunyi sa nabalitaan nila at naging bayani naman ako sa paningin nilang lahat. Napagkasunduan nilang imbitahan ako sa isang magarbong piging bilang pasasalamat at ganti na rin sa kabayanihang ginawa ko para sa pagtatanggol ng kabanalan nila na masaya ko namang tinanggap.



Sa isang bar sa may Timog ang napagkasunduang venue ng magarbong piging para sa akin. Maraming pari ang nagdatingan, mga nabubuhay at yumao na, at lugod na lugod sa pagpapaunlak ko sa imbitasyon nila. Kabi-kabila ang nagpapapirma ng autograph sa laylayan ng sutana nila at marami rin ang nagpapapicture. Maya-maya pa ay inumpisahan na ang kasiyahan nang sa tantiya nila ay naroroon na ang lahat at wala ng hinihintay. Naitanong ko sa katabi kong pari kung may naiwan ba sa mga simbahan dahil parang andun lahat ang mga pari sa lupa. Ang sagot sa akin ay wala raw at pansamantalang ipinagamit sa El Shaddai ang mga simbahan dahil lahat daw ng pari ay sabik sa pagtitipon, isa pa ay kilalang banda raw ang nakaschedule na tutugtog ng gabing iyon.

Sa mahabang mesa ay kalapit ko sina Padre Damaso, Padre Salvi, Fr. R. Reyes at marami pang mga kilalang pari. Namataan ko rin sina Balweg, Fr. Sin, mga paring mahilig sa pulitika, at ang sikat na pari nung bata pa ako, ang paring walang ulo na nandudura, lahat sila ay naroon naman sa kabilang dulo ng mesa.

Masayang nagkukumustahan ang lahat at nagkukwentuhan habang tumatagay ng malamig na SanMig Light, ang iba naman ay nakatutok sa bandang tumutugtog at nakikikanta ‘pag chorus na. Pinakanaka-bonding ko si P. Damaso dahil s’ya ang pinakamakwento at kwela sa kanilang lahat. Naikwento n’ya ang mga himalang nagawa n’ya nung aktibo pa s’ya sa serbosyo. Hindi n’ya mabilang kung ilang mag-asawang hindi magkaanak ang natulungan n’yang magkaanak, wala raw panama sa kanya ang pagsasayaw sa Obando at mga nabibiling fertility relics at kahit daw IVF ay maluluma sa kanya. Idinetalye n’ya ang vigil na ginagawa nila ng mga misis na hindi mabuntis pero himalang nabubuntis isang buwan pagkatapos ng masinsinang vigil nila. Sa gitna ng mga kwentuhan at tawanan ay napansin ko na medyo may kaunting hindi magandang namamagitan kina P. Damaso at P. Salvi dahil hindi pinansin ni Damaso nung makisuyong makiabot si Salvi ng hotsauce para sa inorder n’yang sisig. Naintriga ako at bilang isang bayani nila, ayokong may hidwaan at iringan sa bawat isa sa kanila. Pasikreto ko silang kinausap ng malapitan at tinanong kung ano ang problema. Nanggagalaiti si Damaso sa pagkukwento habang nalalasahan ko ang luya mula sa tinolang paborito n’yang pulutan dahil sa nagtatalsikang laway n’ya sa mukha ko. Ayon sa kanya, pilit daw ginaya ni Salvi ang mga himalang ginawa n’ya kahit s’ya na ang nakapagparehistro ng patent nito. At ang lubos n’yang ikinakagalit ay ng pilit n’ya itong gawain kay Maria Clara na hindi naman daw namumrublema sa hindi pagkakaanak dahil wala naman itong asawa. Hindi lingid sa lahat kung ga’no kahalaga si Clara kay Damaso dahil produkto ito ng himala mula sa masinsinang vigil nila ni Pia Alba.

Nagpaliwanag naman ng masinsinan si Salvi at nangatwirang mataas ang paghanga n’ya kay Damaso at nagawa lang n’ya ang mga bagay na yun dahil sa pagtingala n’ya rito. Si Damaso, sa kabilang banda, ay natauhan at nawalan ng galit ng malamang iniidolo pala s’ya ni Salvi. Agad na nawala ang tensyon sa kanila at mahigpit na niyakap ni Damaso ang dating kaibigan, narinig kong lumagutok ang buto ni Salvi at namumula pa ito habang naglalakad kami pabalik sa pagtitipon.

Pagbalik namin ay nagulat ako dahil may nadagdag na bisita. Pawis na pawis sa kanyang amerikana si Bro. Mike dahil nagmamadali itong humabol galing sa katatapos lang na El Shaddai. Kahit hindi s’ya pari ay malapit s’yang katropa ng mga ito dahil sa lakas ng benta ng mga merchandise n’ya. Nagtataka ako kung bakit ang init-init ay balot na balot s’ya ng makapal na amerikana. Basang basa na rin ang panyo n’yang maraming sulat sa kakapunas ng pawis, mabuti na lang at malamig na beer ang iniinom kaya unti-unting naibsan ang pagpapawis n’ya. Nagpalakpakan at nagbunyi ang lahat ng makita nilang magkaakbay na dumating sina Damaso at Salvi. Naging bayani na naman ako dahil sa nagawa ko.

Napangiti ako pagbalik ko sa upuan. Kitang kita ko ang saya ng mga kaharap ko, batuhan ng mani, agawan ng tagay at kung anu-ano pang kulitan. Ramdan na ramdan ko ang kabanalan ng mga paring ipinaglaban ko. Nasabi ko sa sarili ko, “hindi ako nagkamali ng pagtatanggol sa inyo”.

Kasalukuyan kong iniaabot kay Balweg ang isang balot na chicharon ng biglang may tumapik sa akin, “hoy, kakain na tayo. Tamban ang ulam ngayon, paborito mo!” Napabalikwas ako at biglang nagulat, nasaan si Balweg? Nasaan ang chicharon? Nananaginip lang pala ako... mabuti na lang!

Monday, May 14, 2012

birthday blog

may 14, 1979, araw ng lunes nang ipanganak ako sa bayan ng lemery, lalawigan ng batangas. sa nakaraang 33 taon, maraming bagay na ang nangyari sa akin. natural naman 'yun kasi hindi mo naman kayang nakaupo ka lang sa loob ng 33 years.

naisip ko, simula ng magfacebook ako.. dagsa ang greetings 'pag birthday ko. kahit hindi ko kakilala o mga hindi ko inaasahan na babati, may greetings at wishes para saken pag birthday ko. kaya nung makalawa, sabi ko 'tignan ko nga kung me bumati kapag walang notification' - dinisable ko ang pagpost sa wall ko at tinanggal ang birthday sa profile ko. naisip ko kung tatanggalin lang ang birthday ko at pwede pa rin magpost sa wall, dun ako babatiin ng pamilya ko at malamang makikita rin ng iba at makikibati na rin.

ang resulta, tahimik ang wall ko... walang polusyon. ang greetings na natanggap ko, genuine galing sa pamilya at mga totoong nakaalala. special mention, ang unang facebook message na natanggap ko ay galing sa pinsan kong si rizza kasama ang pagbati ng ninang ko na nanay n'ya. ang ibang greetings syempre hindi mawawala ang sa mga kapatid ko, pamangkin at ang mahal kong asawa.

mapanlinlang ang facebook, nalulunod tayo sa dami ng greetings o wall posts o comments dahil nakalantad ang mga pangyayari sa buhay mo. hindi mawawala ang mga sincere at may pagmamalasakit talagang mapapadaan at susulat sa wall mo pero tambak ang 'nakikigaya' lang. ang sa akin lang, wag natin paikutin at idipende ang buhay natin sa facebook, may totoong buhay na nakaabang sa atin na nasa kabilang tabi... hindi sa facebook lang. sa ginawa kong ito, napatunayan ko na hindi matutumbasan ng daan-daang post sa facebook wall mo ang iilang pagbati mula sa mga mahal mo sa buhay.

don't let your life be an open book that nobody wants to read...

Friday, April 13, 2012

isang taon

araw ng biyernes. as usual, nakakulong sa kwarto pagkatapos maglaba. sinusubukang matulog pero hindi naman makatulog, nagdesisyon akong manood na lang ng mga nakatago kong concert at bon jovi live at madison square garden 2008 ang napili ko. ok lang naman, nakita ko na dati hindi nga lang buo. ayos din lang kasi idol ko naman talaga sila kaya nalibang na rin ako, pamatay-oras.

eto ang siste, nung kinanta ni richie sambora ang i'll be there for you... enjoy lang ako nung una sabi ko ok din pala si sambora kasi dun ko lang s'ya nakita kumanta ng lead. pagdating sa lyrics na 'i wasn't there to make you happy, i wasn't there when you were down. i didn't mean to miss your birthdays baby, i wish i have seen you blow those candles out'... para akong batang inagawan ng kendi. dun biglang bumaha ang luha ko at hindi ko napigilan, hindi ko talaga mapigilan hanggang ngayon.

first birthday ng anak ko bukas, 140412. isang taon na ang nakaraan, wala rin ako sa tabi ng nanay n'ya nung isilang n'ya ang prinsesa namin. ngayon, selebrasyon ng kaarawan n'ya wala na naman ako. naisip ko, baka paglaki ng anak ko kasuklaman na lang ako. sabihin na lang, 'anong klaseng tatay ba meron ako, palaging wala sa tabi ko'. natatakot ako dun. hindi ko ginustong mawala sa tabi n'ya. nung makasama ko s'ya sa bakasyon ko, hindi n'ya alam kung ga'no kahirap ang umalis sa tabi n'ya, kung ga'no kalungkot ang mabalik ako sa kwartong ito na piitan ko ngayon. hindi ko choice na lumayo para magtrabaho at kumita ng pera para sa kanila pero kailangan kong gawin ito. hindi ko alam kung pano maipauunawa sa kanya ito o kung mauunawaan n'ya nga ba.

napakahirap ng ganitong sitwasyon. akala ko nung una simple lang, madali lang. ngayon, naunawaan ko na kung bakit hindi na nakayang umalis ng kuya ding ko para mag-abroad, at the same time, naunawaan ko rin kung bakit umalis ang kuya cris ko at nag-abroad... kumplikado 'di ba? ganyan ang buhay, puno ng kumplikasyon.

may posibilidad na paglaki ng anak ko ay iisipin n'ya na hindi ako mabuting ama, pero matutuwa ako kung hindi. kung sakaling mangyari 'yung nauna, tanggap ko na ito. kasama ito sa mga sakripisyong kailangan kong tanggapin para maitaguyod s'ya at masubukang bigyan ng magandang buhay.

sana lang alam n'ya na kahit ubod ng layo ko sa tabi n'ya, ginagawa ko ito because i want to be there for her...