Friday, July 6, 2012

holy be their names


Ilang taon na rin ako sa trabaho ko bilang assistant ng amo ko na s’yang tagapamahala ng pintuan ng langit. Maayos ang takbo ng trabaho ko at relasyon namin ng amo ko hanggang sa dumating ang isang pagkakataon na hindi namin inaasahang pareho. Isang araw, may dumating na panauhin sa gate na binabantayan namin ng aking amo. Isang pari at isang tsuper ng dyip ang magkasabay na dumulog sa aming tanggapan. Ang order na natanggap ng amo ko, papasukin ang tsuper at tanggihan ang pari dahil nakalagay daw sa report na ang pari ay namumuno ng misa sa nakakawalang-ganang paraan at nakakatulugan ng mga dumadalo sa misa. Samantalang ang tsuper daw, sa kabilang dako, ay kaskasero sa pagmamaneho at lahat ng maging pasahero n’ya ay nagiging paladasal at mas napapalapit sa Diyos sa oras na umupo sa loob ng dyip n’ya.

Pinapasok na ang tsuper at ang pari na bumubulong-bulong sa sama ng loob habang nakatingin sa tsuper ay naiwan habang naghihintay ng sasakyan na maghahatid sa kanya pabalik sa dapat n’yang kalagyan. Napaisip at nanlumo ako sa nangyayari. “Hindi tama ito”, ang sabi ko sa isip ko,”kailangang may gawin ako”. Ilang minuto akong nagmuni-muni at pagkatapos ay naglakas ng loob na kuwestyunin ang amo ko. Ipinaliwanag ko sa kanya na ang mga paring ito ang banal na representasyon ng langit sa lupa. Halos 10 taon ng pagpapakadalubhasa ang ginugol nila para tapatan ang ginawa ni Hesus sa buong buhay N’ya, isang milagrong walang makakapagpaliwanag. Tinanong ko ang amo ko, “sa tingin mo, kung malalaman sa lupa na may isang paring tinanggihan ang langit, maniniwala pa kaya ang mga tao sa langit?” Ipinaliwanag ko sa amo ko kung gaano kabanal ang mga pari sa lupa at kung gaano katibay ang paniniwala ng mga tao na bigay ng mga pari ang kalangitan sa mundo. Ang ipinagtataka ko, parang walang kaalam-alam ang amo ko sa mga sinasabi ko!

Nag-iinit na ang ulo ko sa kakapaliwanag ng kabanalan ng mga pari ng bigla ako hilahin ng amo ko sa loob ng opisina n’ya. Inutusan n’ya akong gumawa ng email gamit ang MS Outlook 2010 at ilagay lahat ng sinabi kong kabanalan ng mga pari (in bullet form). Mabilis ko itong tinayp kahit naiilang ako sa dialogue box sa sulok na nagsasabing Get A Genuine Microsoft Windows at ipinadala namin ito sa kataas-taasang amo para humingi ng konsiderasyon. At dahil online naman ang kataas-taasang amo, agad s’yang sumagot pabor sa pari at sinabi pa n’ya na dahil sa nalaman n’yang pagpapakalat ng mga pari ng mga aral ng kalangitan sa lupa ay bubuksan n’ya ang langit para sa lahat ng pari na ikinalugod naman ng amo ko at ng paring bisita namin. Sinabi pa n’ya na maaring maglabas-masok ang mga pari sa langit dahil sa banal na layunin ng mga ito.

Mabilis na kumalat ang ginawa kong matagumpay na pagtatanggol sa kabanalan ng mga pari sa lupa at hindi ito naging lingid sa mga paring ipinaglaban ko. Nagtipon sila at nagbunyi sa nabalitaan nila at naging bayani naman ako sa paningin nilang lahat. Napagkasunduan nilang imbitahan ako sa isang magarbong piging bilang pasasalamat at ganti na rin sa kabayanihang ginawa ko para sa pagtatanggol ng kabanalan nila na masaya ko namang tinanggap.



Sa isang bar sa may Timog ang napagkasunduang venue ng magarbong piging para sa akin. Maraming pari ang nagdatingan, mga nabubuhay at yumao na, at lugod na lugod sa pagpapaunlak ko sa imbitasyon nila. Kabi-kabila ang nagpapapirma ng autograph sa laylayan ng sutana nila at marami rin ang nagpapapicture. Maya-maya pa ay inumpisahan na ang kasiyahan nang sa tantiya nila ay naroroon na ang lahat at wala ng hinihintay. Naitanong ko sa katabi kong pari kung may naiwan ba sa mga simbahan dahil parang andun lahat ang mga pari sa lupa. Ang sagot sa akin ay wala raw at pansamantalang ipinagamit sa El Shaddai ang mga simbahan dahil lahat daw ng pari ay sabik sa pagtitipon, isa pa ay kilalang banda raw ang nakaschedule na tutugtog ng gabing iyon.

Sa mahabang mesa ay kalapit ko sina Padre Damaso, Padre Salvi, Fr. R. Reyes at marami pang mga kilalang pari. Namataan ko rin sina Balweg, Fr. Sin, mga paring mahilig sa pulitika, at ang sikat na pari nung bata pa ako, ang paring walang ulo na nandudura, lahat sila ay naroon naman sa kabilang dulo ng mesa.

Masayang nagkukumustahan ang lahat at nagkukwentuhan habang tumatagay ng malamig na SanMig Light, ang iba naman ay nakatutok sa bandang tumutugtog at nakikikanta ‘pag chorus na. Pinakanaka-bonding ko si P. Damaso dahil s’ya ang pinakamakwento at kwela sa kanilang lahat. Naikwento n’ya ang mga himalang nagawa n’ya nung aktibo pa s’ya sa serbosyo. Hindi n’ya mabilang kung ilang mag-asawang hindi magkaanak ang natulungan n’yang magkaanak, wala raw panama sa kanya ang pagsasayaw sa Obando at mga nabibiling fertility relics at kahit daw IVF ay maluluma sa kanya. Idinetalye n’ya ang vigil na ginagawa nila ng mga misis na hindi mabuntis pero himalang nabubuntis isang buwan pagkatapos ng masinsinang vigil nila. Sa gitna ng mga kwentuhan at tawanan ay napansin ko na medyo may kaunting hindi magandang namamagitan kina P. Damaso at P. Salvi dahil hindi pinansin ni Damaso nung makisuyong makiabot si Salvi ng hotsauce para sa inorder n’yang sisig. Naintriga ako at bilang isang bayani nila, ayokong may hidwaan at iringan sa bawat isa sa kanila. Pasikreto ko silang kinausap ng malapitan at tinanong kung ano ang problema. Nanggagalaiti si Damaso sa pagkukwento habang nalalasahan ko ang luya mula sa tinolang paborito n’yang pulutan dahil sa nagtatalsikang laway n’ya sa mukha ko. Ayon sa kanya, pilit daw ginaya ni Salvi ang mga himalang ginawa n’ya kahit s’ya na ang nakapagparehistro ng patent nito. At ang lubos n’yang ikinakagalit ay ng pilit n’ya itong gawain kay Maria Clara na hindi naman daw namumrublema sa hindi pagkakaanak dahil wala naman itong asawa. Hindi lingid sa lahat kung ga’no kahalaga si Clara kay Damaso dahil produkto ito ng himala mula sa masinsinang vigil nila ni Pia Alba.

Nagpaliwanag naman ng masinsinan si Salvi at nangatwirang mataas ang paghanga n’ya kay Damaso at nagawa lang n’ya ang mga bagay na yun dahil sa pagtingala n’ya rito. Si Damaso, sa kabilang banda, ay natauhan at nawalan ng galit ng malamang iniidolo pala s’ya ni Salvi. Agad na nawala ang tensyon sa kanila at mahigpit na niyakap ni Damaso ang dating kaibigan, narinig kong lumagutok ang buto ni Salvi at namumula pa ito habang naglalakad kami pabalik sa pagtitipon.

Pagbalik namin ay nagulat ako dahil may nadagdag na bisita. Pawis na pawis sa kanyang amerikana si Bro. Mike dahil nagmamadali itong humabol galing sa katatapos lang na El Shaddai. Kahit hindi s’ya pari ay malapit s’yang katropa ng mga ito dahil sa lakas ng benta ng mga merchandise n’ya. Nagtataka ako kung bakit ang init-init ay balot na balot s’ya ng makapal na amerikana. Basang basa na rin ang panyo n’yang maraming sulat sa kakapunas ng pawis, mabuti na lang at malamig na beer ang iniinom kaya unti-unting naibsan ang pagpapawis n’ya. Nagpalakpakan at nagbunyi ang lahat ng makita nilang magkaakbay na dumating sina Damaso at Salvi. Naging bayani na naman ako dahil sa nagawa ko.

Napangiti ako pagbalik ko sa upuan. Kitang kita ko ang saya ng mga kaharap ko, batuhan ng mani, agawan ng tagay at kung anu-ano pang kulitan. Ramdan na ramdan ko ang kabanalan ng mga paring ipinaglaban ko. Nasabi ko sa sarili ko, “hindi ako nagkamali ng pagtatanggol sa inyo”.

Kasalukuyan kong iniaabot kay Balweg ang isang balot na chicharon ng biglang may tumapik sa akin, “hoy, kakain na tayo. Tamban ang ulam ngayon, paborito mo!” Napabalikwas ako at biglang nagulat, nasaan si Balweg? Nasaan ang chicharon? Nananaginip lang pala ako... mabuti na lang!