lugmok na nga si Juan
inatake pa ng ulan...
sa ginawa mo Ondoy,
pa'no na ang mga Pinoy?
nakakagimbal na Sabado ng umaga ang sumalubong sa gising ko nang buksan ni misis ang telebisyon sa harap ng higaan namin. walang palabas sa TFC kundi balita tungkol sa trahedyang sinapit ng Luzon partikular na sa Maynila at mga karatig lalawigan.
sa pagkakarinig ko, may nagsabi na bumuhos sa loob ng magdamag ang ulan na karaniwang bumubuhos sa loob ng isang buwan. at ang kinalabasan... dagok at pasakit na naman sa mga kawawang Pinoy. naawa at kinilabutan ako sa mga nakita ko sa TV, lalo na 'yung mga kabataan na nasa ibabaw ng bubong na tinangay ng malakas na agos at nagkahiwa-hiwalay paglagpas sa ilalim ng tulay... lahat yata sila, sa kasamaang palad ay nasawi.
sa mga pagkakataong ganito, may awa kang nararamdaman at hindi maiiwasang may galit na kasama. bakit nangyayari ito? may gusto kang sisihin pero sino? lahat biktima, lahat talo, lahat luhaan, lahat lugmok. may iilan akong nakitang matatabil ang dila na nakuha pang kutyain ang mga kapwa rin nila Pinoy. kumalat sa Facebook ang Wall ng isang taga-Dubai daw at sinasabi sa mali-maling ingles na nararapat daw sa mga makakasalanang Pinoy ang nangyari, mabuti na lang daw at nasa Dubai s'ya. nakakaawang nilalang! 'yung isang video naman na kuha raw sa UERM, maririnig mo ang boses ng isang medyo sosyal na babae sa background na nagsabing 'Oh my God, ang saya-saya!' nung makitang inaanod ng malakas na baha ang mga sasakyan habang sinasaway ng isa na 'wag magtatawa. naiintindihan ko pa 'yun, siguro naexcite s'ya sa mga nakikita n'ya nung umpisa pero nagpanic din s'ya sa huli nung makita n'ya na isa sa mga sasakyan ay may tao pa sa loob.
nakakatuwa rin naman sa kabilang banda na pagkatapos ng delubyo, umulan naman ng mga tulong galing sa mga tao o grupo ng mga tao o kumpanya na nagmamalasakit sa mga nasalanta. nakakagulat na makalipas ang isang araw ay may nakalap na agad ang telethon ng ABS-CBN na mahigit 20M na cash pledges at kung hindi ako nagkakamali ay 20M worth din na goods... at ito ay sa isa pa lang sa maraming grupo na nagkukumahog para makatulong sa mga biktima ni Ondoy. dito ka naman bibilib sa mga Pinoy, kahit na sabihin mo'ng tuso sa normal na panahon... malambot naman ang puso at handang tumulong sa mga nangangailangan sa oras ng kagipitan!
ang mga nangyari ay mga bagay na hindi nakokontrol, nahuhulaan o kayang pigilan ng mga tao. ito ay isang bagay na bigay ng kalikasan at kahit na 10 ang medal mo sa Boy Scout nung elementary, walang paghahanda ang sasapat dito! dito natin mapapatunayan na hangga't nasa mundo tayo at nabubuhay sa lupa, pantay-pantay ang mga tao. walang mataas o mababa, walang iskwater at walang village boy... lahat nakalubog. gusto mong manisi pero hindi mo magawa dahil alam mo'ng isa ka sa mga dapat sisihin. wala tayong laban sa bangis ng kalikasan kundi ang magkaroon ng pang-unawa at pusong handang tumulong sa mga magiging biktima nito... kung sakali mang hindi tayo ang biktima!
Monday, September 28, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)