ilang lingo ng nakasalpak ang CDng kulay itim sa loob ng player ng sasakyan ko. ilan lang ang lamang kanta nun, 18 lang yata kung di ako nagkakamali - ilan lang kumpara sa mp3 files na pwedeng magkasya sa isang CD at ilang araw mo ng pinapatugtog 'di pa rin umuulit.
pero ang itim na CD na yun, binili ko kasi astig yung pulang CD na kasama n'ya. puro local bands at hanep sa mga version ng original na kanta kaya kung tutuusin, sabit lang 'yung itim na CD. pero nung magsawa na ako sa kakapakinig sa kulay pula, sinubukan ko 'yung itim at simula nun hindi ko na nalaman kung sa'n napunta 'yung pulang CD. paulit-ulit ko ng pinapakinggan ang kulay itim at sa hindi ko malamang dahilan, paulit-ulit ko ring sinasabayan ang mga kanta nila. para bang idinuduyan ka ng tatlong boses na 'yun at niyayayang kumanta bilang ika-apat na miyembro nila.
matatanda na sila, kung tutuusin dapat pinapatugtog na lang sa FM ang mga kanta nila pag araw ng Lingo, hehehe. kaya nga may tribute album na para sa kanila kasi ang mga kanta nila bata pa lang ako naririnig ko na pero hanggang ngayon gusto ko pa ring marinig at paulit-ulit pa. ewan ko kung Pinoy na matatawag ang taong hindi magugustuhan ang mga kanta ng APO Hiking Society. ang mga direktang lyrics ng kanta nila, transparent at walang pasikot-sikot. walang hidden message na kelangan mong hanapin. walang paCUTE kumbaga, walang GIMIK. APOng APO ang dating!
naisipan ko lang naman isulat ito para mailabas ko ang sayang nararamdaman t'wing kasabay kong kumakanta sina Buboy Garovillo, Danny Javier at Jim Paredes. pasasalamat na rin ito sa kanila dahil nananatili akong gising sa mahahabang byahe kahit walang kausap. baka 'pag nabasa ng LTO ito, gawin nilang requirements sa pagrenew ng rehistro ng sasakyan ang CD ng APO Hiking Society!
ubos na rin ang beer kaya kape na lang, lahat sinusubukan kahit walang pulutan...
Monday, May 17, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)