kahapon, bitbit ang sangkaterbang leaflets ay nagpunta ako ng simbahan para ipamudmod ito sa mga kabayan na dumalo ng misa - pinakamadaling paraan para sa marketing ng aming produkto na target ang mga pinoy na mahilig kumanta. pagkatapos kong maubos ang ipinamimigay kong leaflets, nagdadalawang-isip ako kung susubukan ko bang makinig ng susunod na misa. nakailang balik ako sa sakayan at gate ng simbahan hanggang sa nagdesisyon akong makinig ng misa. pagpasok ng gate, dali-dali akong nagtungo sa pintuan ng simbahan at ingat na ingat na makita ng mga kakilala na alam na hindi ako nagsisimba at sa kabutihang-palad ay walang nakapansin.
sa loob ng simbahan, diretso ako sa gitna na malapit sa exit. nasa isip ko, pag hindi ko natagalan malapit lang ang pintuan at madaling makakalabas. pero buo ang loob ko na susubukan ang taimtim na pakikinig sa misa. naging pasaway ako pero nakatatak na sa kaluluwa ko ang pagiging Kristiyano, nagkataon nga lang na ginagawa ko sa radikal na paraan sa pamamagitan ng hindi paniniwala sa simbahan. nag-umpisa ang misa sa isang kanta, 'maganda ito', nasa isip ko dahil nagandahan ako sa kanta ng choir na alam kong mga kaibigan ko rin ang miyembro. nung mag-umpisa na ang pari sa pagsasalita, ingles at hindi ko maintindihan ang sinasabi. parang unti-unti akong nawawalan ng gana pero sabi ko konting pasensya at tutok sa mga sinasabi ng pari at nung dalawang nagbasa. hanggang sa dumating ang gospel ng pari na s'ya kong inaabangan... 'ang puso ng misa' sa isip ko, hindi ko maintindihan. anak ng tinapa! ganito ba ako kabobo umintindi ng ingles?
nagtataka ako kung ako lang ba ang may kakulangan sa pag-intindi ng sinasabi ng pari sa karamihan ng mga taong nandun. hindi ko pinipintasan ang pari pero wala akong magagawa kung hindi ko nauunawaan ang mga salitang sinasabi n'ya. humahanga na naaawa ako sa mga Pinoy na nakikinig ng misa na hindi nila naiintindihan at nakukuha nilang tapusin ang isang banal na pagdiriwang ng walang naunawaan. sa tingin ko, nakikinig tayo ng misa para tanggapin ang mga Banal na Salita ng Diyos pero paano mo ito tatanggapin kung hindi mo naintindihan? para kang pumirma ng kontrata na hindi mo binasa. language barrier na masasabi ang naging problema ko kahit na ingles naman ang lenggwahe ng misa pero hindi ko talaga maintindihan ang accent ng pari at hindi n'ya ito kapintasan dahil naiintindihan naman s'ya ng mga kalahi n'ya. ang punto ko lang, hindi ko lolokohin ang sarili ko at magkukunwaring naintindihan ang lahat ng sinabi ng pari kung talagang hindi naman. nagpunta ako sa misa para makinig at subukang unawain ang Salita ng Diyos hindi para ipakita sa mga tao na ako ay isang taong palasimba.
tumayo ako kahit hindi pa pinapatayo ng pari ang mga tao, inabot ang pintuan at dali-daling lumabas ng walang lingon-lingon. hindi ako nawalan ng gana, hindi lang ganun ang para sa akin. aabangan ko na lang ang Tagalog na misa at aasa na maiintindihan ko na ito.