hindi ko alam kung bakit ako ganito. bakit wala akong kuntrol sa sarili? pag nagalit ako hindi ko mapigilan ang sarili ko. hindi ko ito gusto, hindi ko alam kung matapang ba ako pero hindi naman ako palaaway. bakit ba ako nagkaganito?
nung isang araw, me nagwawalang customer sa dubai dahil naputulan ng TFC at pinagmumura daw ang mga staff dun. ipinagmamalaki na 25K dirhams daw ang sweldo nya at magresign na raw ang manager pag hindi naibalik ang signal ng TFC nya. nagkataon na customer ko yun kasi taga-rito sya sa al ain, isipin mo ba naman na tinawagan ko at kinumpronta ko pa? ang sabi nga ng customer bakit daw ba ako nakikisali e wala naman daw ako kasalanan, alam daw nya na sa dubai ang problema kaya hindi na ako ang tinawagan nya. bakit ako ganun? barumbado ba ako? tanda ko pa nun nung me nakaaway ang kuya cris ko tapos ako ang napagbuntunan nung tatay ng nakaaway nya at isinumbat ang tulong na ginawa nila nung namatay ang tatay ko, hindi rin ako nakapagpigil at nakipagsigawan din sa kanya. hindi ko makalimutan ang sinabi ng kuya ringo ko nun, hindi sya nagalit sa akin pero sabi nya hindi ko na daw dapat pinatulan. kaya daw kami pinag-aral ng magulang namin ay para matuto ng tama. ibig nyang sabihin, edukado ako at hindi dapat pumapatol sa ganun. lagi kong naiisip yun twing may nagagawa akong hindi maganda pag umiinit ang ulo ko. hindi ko alam kung saan ko nakuha ang ugaling ito kasi walang ganito sa mga kapatid ko. sana iniwan nya na lang sa akin ang ugaling yun nung namatay sya. ayokong maging ganito. pero hindi ko alam ang gagawin ko para magbago. this past week lagi kong iniisip yung sinabi na yun ng kapatid ko sa akin, itinatanim ko sa utak ko pero hindi ko magawa.
alam kong masayahin akong tao, masasabi ko rin naman na matalino ako. magaling din naman ako makisama at maraming kaibigan. marami ang humahanga sa 'tapang' ko at pagiging prangka pero ako ay hindi. may ilang tao na rin ang nagpaalala na iwasan ko ang init ng ulo, alam kong dapat iwasan yun dahil nasa customer service ang trabaho ko. ang duda ko ay dito ko yun nakuha sa trabahong ito. sa araw-araw na nakikiharap ka sa iba't ibang tao, may ayos at marami ang hindi ayos, nagsawa na sigurong makisama ng isip ko sa mga hindi ko naman talaga kaibigan. nakakapagod din yung bumati ka ng bumati, ngumiti kahit gusto mo nang sapukin ang kaharap mo at siguro pinakanakakapagod ang maging pag-aari ka ng mga customer mo. pero marami na rin naman akong nagawang hindi maganda dahil sa init ng ulo kahit nung wala pa ako dito, mula sa pagbabalibag ng batya hanggang sa pagbabalibag ng motor.
ayoko ng ganito... ayokong masira ang pagkatao ko. gusto kong magbago at sana mahanap ko ang daan sa pagbabago. gabayan sana ako ng Diyos...
Tuesday, July 3, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment