hindi ko namalayan, malapit na palang mag-isang taon simula nung pumanaw ang kuya ringo ko. matagal-tagal na rin pero andun pa rin ang denial. ang hirap naman kasi nung tatlong taon kayong hindi nagkikita tapos bigla na lang sasabihin sa'yo na wala na ang kuya mo.
si kuya ringo, bilib ako sa taong yun! pero bilang kuya ko, hindi ko sya masyadong nakasama at nakabarkada. hindi katulad ng dalawa ko pang kuya na katulad ko ring luku-luko, hehe! sya kasi medyo seryoso sa buhay, organized kumbaga. nagkasama lang kami nung kunin nya ako papunta dito sa uae. oo, sya ang dahilan kung bakit ako napunta dito kaya utang ko sa kanya kung ano ang meron ako ngayon.
nung magkasama kami sa bahay, dun ko lang nakita kung pano sya mamuhay at kung gaano sya kadisiplinadong tao. sa kanya ako nakakita ng 'talaarawan' na akala ko ay isang project lang nung elementary pa ako. nakasulat sa isang papel na nakadikit malapit sa pintuan ang mga bagay na gagawin nya sa loob ng isang linggo. mahilig sya sa prutas at conscious sa kalusugan kaya nagtataka ako kung pano syang inatake habang naglalaro. hindi ko makakalimutan ang bilin nya sa akin bago sya umalis papuntang new zealand. pag sumusweldo na raw ako, wag ko daw naman ipapadala lahat sa pilipinas ang kinikita ko. kailangan ko rin daw maglibang at maglaan ng para sa sarili ko dahil ako daw ang nagpapagod para dun. ang akala ko kabaliktara nun ang sasabihin nya sa akin.
simula nung umalis sya, puro na lang email ang naging komunikasyon namin. ilang araw bago sya namatay, nag-email sya sa akin at nagpapabili ng wall-mounted na hanger na katulad daw nung nasa bahay namin dati na hindi ko naman maalala kung ano yun at tsaka contact lens para daw hindi sya nahihirapan sa paglalaro nya ng basketball na kinahihiligan nya ng mga panahong yun. hindi ko lubos maisip kung bakit kailangan nya pang sa akin magpabili nun e meron naman dun. napagtanto ko na lang na naglalambing siguro s'ya kaya humihingi ng mga simpleng bagay na yun. nakakalungkot isipin na hindi ko pa nabibili ang contact lens nya ay nawala na sya.
lahat ng pinagsamahan namin ay alaala na lang... lahat ng mga bilin nya at payo, mananatiling nakatanim sa utak ko. alam ko nasa tabi-tabi lang sya kasama ang tatay na nanonood sa amin...
Saturday, March 22, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment