hindi ko makakalimutan ang kwentong narinig ko mula sa kalaro ko (si elmer marasigan na pinsan ko rin) nung bata pa ako. sa t'wing may mapapatay akong langgam (guyam sa amin), naaalala ko ang kwentong yun at napapangiti na lang ako. hindi ko alam kung saan nya nakuha ang kwento o alamat na yun dahil lumaki ako na walang nabasang ganun sa lahat ng libro na nahawakan ko simula elementarya hanggang kolehiyo. ganito ang napakaikling kwento nya sa pagkakaalala ko:
nung unang panahon daw, nagdesisyon si Bathala na bigyan ng kamandag ang mga hayop bilang proteksyon sa mga tao na maaaring maging banta sa buhay nila. isa-isang kinausap ni Bathala ang bawat uri ng hayop at marami rin ang humingi ng kamandag para sa kanilang kapakanan. pagdating sa mga langgam, tinanong ni Bathala ang kanilang pinuno "ano ang gusto ninyo, mamamatay ang bawat taong makagat ninyo o kayo ang mamamatay sa bawat pagkagat ninyo sa kanila?" - ang nag-iisang tanong ni Bathala sa lahat ng uri ng hayop. mabilis na sumagot ang kanilang pinuno at sinabing, "kung pipiliin po naming mamatay ang bawat taong makakagat namin, maaari silang maubos sa dami ng aming bilang! mas gugustuhin ko na lang pong kami ang mamatay sa bawat pagkagat namin sa kanila at mag-iwan na lang ng pantal para maalala nila ang aming sakripisyo" ang mapagpakumbabang sabi ng langgam na s'ya namang tinupad ni Bathala.
maliwanag na hindi ito totoo at isang kwento lamang pero mapapaisip ka pa rin dahil sa t'wing may langgam na kakagat sa'yo, karaniwang namamatay sila dahil tinitiris natin sila. ilang langgam na ba ang kumagat sa'yo na hindi mo napatay? minsan nga nakita mo lang na gumagapang pinapatay mo di'ba? kahit alam kong hindi ito totoo at isang alamat lang na hindi ko nga alam kung saan nakuha ng pinsan kong yun, humahanga ako sa mga langgam dahil sa pinili nilang sakripisyo. nariyan ang mga ahas, aso, may gagamba at kung anu-ano pang hayop na may kamandag na maari mong ikamatay pag nakagat ka nila pero ang langgam, pinili nilang sila ang mamatay sa bawat pagkagat nila sa tao.
kaya kung may langgam na kakagat sa inyo, magpasalamat kayo na pantal lang ang inabot ninyo at hindi kamatayan dahil kung iba ang naging desisyon ng mga langgam... baka ubos na ang tao sa mundo ngayon!
Sunday, August 24, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment