Clothes make the man. Naked people have little or no influence on society.
- Mark Twain
'yan ang malinaw na katotohanan. kahit kasing-talino mo si Gat. Jose Rizal at wala kang pambili ng mga mamahaling damit, malamang walang seseryoso sa'yo. marahil ito ang dahilan kung bakit palaging nakasuot ng overcoat si Rizal kahit na ubod ng init sa Pilipinas.
pumunta ka sa department store na nakasuot ng gusgusing damit, puruntong at sipit na tsinelas (hindi 'yung mamahalin), ewan ko kung may pumansin sa'yo at magtatanong ng 'How may I help you?'. pero kung papasok ka na nakasuot ng branded na damit at bihis mayaman, malamang nag-uunahan ang mga salesclerk sa pagsalubong kahit na beinte pesos lang ang laman ng wallet mo.
naging sukatan na ng pagkatao mo ang kasuotang nakabihis sa'yo. pag pangit ang cellphone mo, dukha ka pero kung ang gamit mo ay bagong modelo na may kasama pang panundot, big time ang tingin sa'yo kahit na wala kang load at ni hindi mo alam gamitin ang karamihan sa features ng cellphone mo. kung slang ang accent ng pagsasalita mo ng wikang Ingles, napakatalino ng tingin sa'yo ng kapwa mo pero kung Tagalog na nga ang salita mo at matigas pa ang punto mo, Bisaya ang tawag sa'yo. ewan ko ba kung sinong walang modo ang nakaisip magdikit ng salitang 'Bisaya' sa kabaduyan.
nakakalungkot isipin na napakababaw na nga ng pamantayan para masukat ang pagkatao mo, karamihan pa sa atin ay pilit na inilalagay ang sarili sa estadong papasa sa pamantayang ito. lahat tayo, kahit ako, napapahanga sa mga taong nabibihisan ng mamahaling kasuotan, gumagamit ng mga high-tech na gadgets, may magarang sasakyan, magaling magsalita at kung anu-ano pang materyal na bagay na mamahalin.
pero sana wag nating kalimutan na tayo, katulad ng lahat, ay ipinanganak na hubad at mabubulok din pag namatay. kahit papano, dun nagkakapantay-pantay tayo sa palagay ko...
Saturday, April 18, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment