balak daw itaas ang tuition fee sa PUP (ang aking mahal na paaralan) ng 2000%. sa totoo lang, 1667% lang naman yun from P12/unit to P200/unit na tuition fee.
nung mga panahong nag-aaral pa ako sa PUP, hindi umabot ng P600 ang tuition ko sa isang sem. mababa lang siguro kasi wala naman ako sa engineering o mga kursong maraming laboratory. pinakamataas na ang mahigit P500 nung time na marami kaming laboratory. at sa pagkakaalam ko, 30 years ng ganyan ang tuition fee sa PUP. Ito na siguro ang may pinakamurang de-kalidad na edukasyon sa Pilipinas.
sa kabila ng napakamurang tuition fee, hindi mo masasabing pulpol ang edukasyon sa PUP. at ang mga estudyante rito, dumaan sa matinding PUP College Entrance Test. natatandaan ko pa ang pakikipagsapalaran ko dati para lang makapasok dito. libu-libo ang nag-exam at kung hindi ako nagkakamali, pitong libo lang ang nakapasa sa 25 libong nagtake ng exams at isa ako sa maswerteng nakapasok!
sa buong pag-aaral ko dito, marami rin akong naging kaibigan at kakilala. at sa pagkakaalala ko, wala akong naging kabarkada na masasabi mong mayaman talaga. may isa akong natatandaan, si Reynante Leonardo na taga-Bulacan. isa s'ya sa iilang may sasakyan sa buong eskwelahan. pero hindi rin naman s'ya ang masasabi mong mayaman na tipong negosyante ang mga magulang dahil OFW ang tatay n'ya sa japan kaya kahit papano ay nakaangat sila sa kabuhayan. bukod sa kanya, wala na akong maisip na ibang kabarkada at kakilala na talagang may kaya sa buhay.
kung matutuloy ang pagtaas ng tuition fee, ang dating nagbabayad ng P252 para sa 21 units sa isang sem (hindi kasama ang miscellaneous fee at lab, etc.) ay aabot sa P4,200 ang babayaran, bukod pa ang miscellaneous fee at lab, etc. kung tutuusin, pambayad na sa walong semester ang halagang yun. nung panahong yun, pinapaaral ako ng ate ko na ordinaryong empleyado sa isang kumpanya sa Makati. kung matutuloy ang pagtataas ng tuition fee, sino na lang ang makakapag-aral sa PUP? ilang anak ng mga ordinaryong manggagawa ang mawawalan ng kakayahang makapag-aral at ilang anak na lang ng OFW ang maiiwan dito?
mahal ko ang PUP. malaking bahagi ng kung ano ako ngayon ay dahil sa PUP. dito ko rin nakilala ang mga tunay na kaibigan at kabarkada. nung nasa Pilipinas pa ako, madalas ay nasa PUP rin ako kahit graduate na ako para bisitahin ang mga naiwang kabarkada. kahit ngayon, pag nakakakita ako ng mga larawan na kuha sa eskwalahang 'yan, napapangiti ako at hindi maiwasang balikan ang mga araw na nasa kandungan pa ako ng PUP. maraming Pilipino ang natutulungan ng PUP para marating ang mga pangarap nila at marami rin ang masisira ang kinabukasan kung hindi na sila makakapag-aral dito.
sintang paaralan, tanglaw ka ng bayan
pandayan ng isip ng kabataan.
kami ay lumaki na salat sa yaman
hanap ay dunong na iyong alay
kung talagang kabataan ang pag-asa ng bayan, karapatan naman siguro ng mga kabataang ito na mabigyan ng wastong edukasyon para maiangat nila sa kahirapan ang bayang sa kanila umaasa...
No comments:
Post a Comment