this is your bread and butter.
'yan ang narinig kong sinabi ng boss namin sa isang meeting dati patungkol sa kumpanyang pag-aari n'ya na pinagtatrabahuhan ko. 'oo, tama ka' sa isip ko, pero hindi naman sapat ang bread and butter. minsan gusto mo rin ng pancit canton o pritong itlog at sinangag sa almusal. almusal pa lang 'yan, wala pa ang tanghalian at hapunan.
madalas nakukulong tayo sa mga bagay na pinili natin para sa sarili dahil inakala natin na ito ang magpapasaya sa atin - na dito tayo makukuntento. sabi nga nila, natural na sa tao ang maghanap at syempre 'pag naghanap ka, malamang wala ito sa paligid mo dahil hindi mo naman ito hahanapin kung nand'yan lang sa isang tabi. minsan naman, hindi mo ito hinanap pero matatanaw mo sa kabilang bakod at mararamdaman mo na 'yun ang kailangan mo na hindi mo makita sa loob ng sarili mong bakuran.
makasarili kung iisipin pero sino ba ang unang magbibigay ng pangangailangan mo kundi ang sarili mo rin. maraming tao na ang nagtangkang tanggalin ang pagiging makasarili ng bawat isa pero mukhang malabong mangyari 'yun dahil hindi mo magagawang alagaan ang iba kung hindi mo muna aalagaan ang sarili mo. lahat ng tao ay naging makasarili sa isang punto ng buhay nila. alam ko na medyo labag sa pamantayan ng mga tao ang sinasabi ko pero ito ang totoo.
kung pilit nating lulunukin ang bread and butter hanggang sa magbara ang ugat natin sa namuong mantekilya at hindi natin titikman ang ibang bagay, maraming posibilidad ang maaring lumagpas ng hindi natin namamalayan. maraming pintuan ang pwede nating buksan. ang mahirap lang, kung pa'no natin isasara ang pintuang lalabasan natin at iiwang maayos ang nasa loob nito.
walang CTRL-ALT-DEL sa buhay ng tao pero may ENTER, minsan mahirap gawin pero pwede rin mag-ESC. walang BACKSPACE pero pwede ka magSHIFT. walang DEL pero higit sa lahat... pwede kang magSORRY.
Tuesday, June 1, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
I like this post..thought provoking sya. Medyo emote mode pa naman ako ngayon.
Post a Comment