Friday, April 13, 2012

isang taon

araw ng biyernes. as usual, nakakulong sa kwarto pagkatapos maglaba. sinusubukang matulog pero hindi naman makatulog, nagdesisyon akong manood na lang ng mga nakatago kong concert at bon jovi live at madison square garden 2008 ang napili ko. ok lang naman, nakita ko na dati hindi nga lang buo. ayos din lang kasi idol ko naman talaga sila kaya nalibang na rin ako, pamatay-oras.

eto ang siste, nung kinanta ni richie sambora ang i'll be there for you... enjoy lang ako nung una sabi ko ok din pala si sambora kasi dun ko lang s'ya nakita kumanta ng lead. pagdating sa lyrics na 'i wasn't there to make you happy, i wasn't there when you were down. i didn't mean to miss your birthdays baby, i wish i have seen you blow those candles out'... para akong batang inagawan ng kendi. dun biglang bumaha ang luha ko at hindi ko napigilan, hindi ko talaga mapigilan hanggang ngayon.

first birthday ng anak ko bukas, 140412. isang taon na ang nakaraan, wala rin ako sa tabi ng nanay n'ya nung isilang n'ya ang prinsesa namin. ngayon, selebrasyon ng kaarawan n'ya wala na naman ako. naisip ko, baka paglaki ng anak ko kasuklaman na lang ako. sabihin na lang, 'anong klaseng tatay ba meron ako, palaging wala sa tabi ko'. natatakot ako dun. hindi ko ginustong mawala sa tabi n'ya. nung makasama ko s'ya sa bakasyon ko, hindi n'ya alam kung ga'no kahirap ang umalis sa tabi n'ya, kung ga'no kalungkot ang mabalik ako sa kwartong ito na piitan ko ngayon. hindi ko choice na lumayo para magtrabaho at kumita ng pera para sa kanila pero kailangan kong gawin ito. hindi ko alam kung pano maipauunawa sa kanya ito o kung mauunawaan n'ya nga ba.

napakahirap ng ganitong sitwasyon. akala ko nung una simple lang, madali lang. ngayon, naunawaan ko na kung bakit hindi na nakayang umalis ng kuya ding ko para mag-abroad, at the same time, naunawaan ko rin kung bakit umalis ang kuya cris ko at nag-abroad... kumplikado 'di ba? ganyan ang buhay, puno ng kumplikasyon.

may posibilidad na paglaki ng anak ko ay iisipin n'ya na hindi ako mabuting ama, pero matutuwa ako kung hindi. kung sakaling mangyari 'yung nauna, tanggap ko na ito. kasama ito sa mga sakripisyong kailangan kong tanggapin para maitaguyod s'ya at masubukang bigyan ng magandang buhay.

sana lang alam n'ya na kahit ubod ng layo ko sa tabi n'ya, ginagawa ko ito because i want to be there for her...

No comments: