Ilang taon na rin ako sa trabaho
ko bilang assistant ng amo ko na s’yang tagapamahala ng pintuan ng langit. Maayos
ang takbo ng trabaho ko at relasyon namin ng amo ko hanggang sa dumating ang
isang pagkakataon na hindi namin inaasahang pareho. Isang araw, may dumating na
panauhin sa gate na binabantayan namin ng aking amo. Isang pari at isang tsuper
ng dyip ang magkasabay na dumulog sa aming tanggapan. Ang order na natanggap ng
amo ko, papasukin ang tsuper at tanggihan ang pari dahil nakalagay daw sa
report na ang pari ay namumuno ng misa sa nakakawalang-ganang paraan at
nakakatulugan ng mga dumadalo sa misa. Samantalang ang tsuper daw, sa kabilang
dako, ay kaskasero sa pagmamaneho at lahat ng maging pasahero n’ya ay nagiging
paladasal at mas napapalapit sa Diyos sa oras na umupo sa loob ng dyip n’ya.
Pinapasok na ang tsuper at ang
pari na bumubulong-bulong sa sama ng loob habang nakatingin sa tsuper ay naiwan
habang naghihintay ng sasakyan na maghahatid sa kanya pabalik sa dapat n’yang
kalagyan. Napaisip at nanlumo ako sa nangyayari. “Hindi tama ito”, ang sabi ko
sa isip ko,”kailangang may gawin ako”. Ilang minuto akong nagmuni-muni at
pagkatapos ay naglakas ng loob na kuwestyunin ang amo ko. Ipinaliwanag ko sa
kanya na ang mga paring ito ang banal na representasyon ng langit sa lupa. Halos
10 taon ng pagpapakadalubhasa ang ginugol nila para tapatan ang ginawa ni Hesus
sa buong buhay N’ya, isang milagrong walang makakapagpaliwanag. Tinanong ko ang
amo ko, “sa tingin mo, kung malalaman sa lupa na may isang paring tinanggihan
ang langit, maniniwala pa kaya ang mga tao sa langit?” Ipinaliwanag ko sa amo
ko kung gaano kabanal ang mga pari sa lupa at kung gaano katibay ang paniniwala
ng mga tao na bigay ng mga pari ang kalangitan sa mundo. Ang ipinagtataka ko,
parang walang kaalam-alam ang amo ko sa mga sinasabi ko!
Nag-iinit na ang ulo ko sa
kakapaliwanag ng kabanalan ng mga pari ng bigla ako hilahin ng amo ko sa loob
ng opisina n’ya. Inutusan n’ya akong gumawa ng email gamit ang MS Outlook 2010 at
ilagay lahat ng sinabi kong kabanalan ng mga pari (in bullet form). Mabilis ko
itong tinayp kahit naiilang ako sa dialogue box sa sulok na nagsasabing Get A
Genuine Microsoft Windows at ipinadala namin ito sa kataas-taasang amo para
humingi ng konsiderasyon. At dahil online naman ang kataas-taasang amo, agad s’yang
sumagot pabor sa pari at sinabi pa n’ya na dahil sa nalaman n’yang pagpapakalat
ng mga pari ng mga aral ng kalangitan sa lupa ay bubuksan n’ya ang langit para
sa lahat ng pari na ikinalugod naman ng amo ko at ng paring bisita namin. Sinabi
pa n’ya na maaring maglabas-masok ang mga pari sa langit dahil sa banal na
layunin ng mga ito.
Mabilis na kumalat ang ginawa
kong matagumpay na pagtatanggol sa kabanalan ng mga pari sa lupa at hindi ito
naging lingid sa mga paring ipinaglaban ko. Nagtipon sila at nagbunyi sa
nabalitaan nila at naging bayani naman ako sa paningin nilang lahat. Napagkasunduan
nilang imbitahan ako sa isang magarbong piging bilang pasasalamat at ganti na
rin sa kabayanihang ginawa ko para sa pagtatanggol ng kabanalan nila na masaya
ko namang tinanggap.
Sa isang bar sa may Timog ang
napagkasunduang venue ng magarbong piging para sa akin. Maraming pari ang
nagdatingan, mga nabubuhay at yumao na, at lugod na lugod sa pagpapaunlak ko sa
imbitasyon nila. Kabi-kabila ang nagpapapirma ng autograph sa laylayan ng
sutana nila at marami rin ang nagpapapicture. Maya-maya pa ay inumpisahan na
ang kasiyahan nang sa tantiya nila ay naroroon na ang lahat at wala ng
hinihintay. Naitanong ko sa katabi kong pari kung may naiwan ba sa mga simbahan
dahil parang andun lahat ang mga pari sa lupa. Ang sagot sa akin ay wala raw at
pansamantalang ipinagamit sa El Shaddai ang mga simbahan dahil lahat daw ng pari
ay sabik sa pagtitipon, isa pa ay kilalang banda raw ang nakaschedule na
tutugtog ng gabing iyon.
Sa mahabang mesa ay kalapit ko
sina Padre Damaso, Padre Salvi, Fr. R. Reyes at marami pang mga kilalang pari. Namataan
ko rin sina Balweg, Fr. Sin, mga paring mahilig sa pulitika, at ang sikat na
pari nung bata pa ako, ang paring walang ulo na nandudura, lahat sila ay naroon
naman sa kabilang dulo ng mesa.
Masayang nagkukumustahan ang
lahat at nagkukwentuhan habang tumatagay ng malamig na SanMig Light, ang iba
naman ay nakatutok sa bandang tumutugtog at nakikikanta ‘pag chorus na.
Pinakanaka-bonding ko si P. Damaso dahil s’ya ang pinakamakwento at kwela sa
kanilang lahat. Naikwento n’ya ang mga himalang nagawa n’ya nung aktibo pa s’ya
sa serbosyo. Hindi n’ya mabilang kung ilang mag-asawang hindi magkaanak ang
natulungan n’yang magkaanak, wala raw panama sa kanya ang pagsasayaw sa Obando
at mga nabibiling fertility relics at kahit daw IVF ay maluluma sa kanya.
Idinetalye n’ya ang vigil na ginagawa nila ng mga misis na hindi mabuntis pero
himalang nabubuntis isang buwan pagkatapos ng masinsinang vigil nila. Sa gitna
ng mga kwentuhan at tawanan ay napansin ko na medyo may kaunting hindi
magandang namamagitan kina P. Damaso at P. Salvi dahil hindi pinansin ni Damaso
nung makisuyong makiabot si Salvi ng hotsauce para sa inorder n’yang sisig. Naintriga
ako at bilang isang bayani nila, ayokong may hidwaan at iringan sa bawat isa sa
kanila. Pasikreto ko silang kinausap ng malapitan at tinanong kung ano ang
problema. Nanggagalaiti si Damaso sa pagkukwento habang nalalasahan ko ang luya
mula sa tinolang paborito n’yang pulutan dahil sa nagtatalsikang laway n’ya sa
mukha ko. Ayon sa kanya, pilit daw ginaya ni Salvi ang mga himalang ginawa n’ya
kahit s’ya na ang nakapagparehistro ng patent nito. At ang lubos n’yang
ikinakagalit ay ng pilit n’ya itong gawain kay Maria Clara na hindi naman daw
namumrublema sa hindi pagkakaanak dahil wala naman itong asawa. Hindi lingid sa
lahat kung ga’no kahalaga si Clara kay Damaso dahil produkto ito ng himala mula
sa masinsinang vigil nila ni Pia Alba.
Nagpaliwanag naman ng masinsinan
si Salvi at nangatwirang mataas ang paghanga n’ya kay Damaso at nagawa lang n’ya
ang mga bagay na yun dahil sa pagtingala n’ya rito. Si Damaso, sa kabilang
banda, ay natauhan at nawalan ng galit ng malamang iniidolo pala s’ya ni Salvi.
Agad na nawala ang tensyon sa kanila at mahigpit na niyakap ni Damaso ang
dating kaibigan, narinig kong lumagutok ang buto ni Salvi at namumula pa ito
habang naglalakad kami pabalik sa pagtitipon.
Pagbalik namin ay nagulat ako
dahil may nadagdag na bisita. Pawis na pawis sa kanyang amerikana si Bro. Mike
dahil nagmamadali itong humabol galing sa katatapos lang na El Shaddai. Kahit hindi
s’ya pari ay malapit s’yang katropa ng mga ito dahil sa lakas ng benta ng mga
merchandise n’ya. Nagtataka ako kung bakit ang init-init ay balot na balot s’ya
ng makapal na amerikana. Basang basa na rin ang panyo n’yang maraming sulat sa
kakapunas ng pawis, mabuti na lang at malamig na beer ang iniinom kaya
unti-unting naibsan ang pagpapawis n’ya. Nagpalakpakan at nagbunyi ang lahat ng
makita nilang magkaakbay na dumating sina Damaso at Salvi. Naging bayani na
naman ako dahil sa nagawa ko.
Napangiti ako pagbalik ko sa
upuan. Kitang kita ko ang saya ng mga kaharap ko, batuhan ng mani, agawan ng
tagay at kung anu-ano pang kulitan. Ramdan na ramdan ko ang kabanalan ng mga paring
ipinaglaban ko. Nasabi ko sa sarili ko, “hindi ako nagkamali ng pagtatanggol sa
inyo”.
Kasalukuyan kong iniaabot kay
Balweg ang isang balot na chicharon ng biglang may tumapik sa akin, “hoy,
kakain na tayo. Tamban ang ulam ngayon, paborito mo!” Napabalikwas ako at
biglang nagulat, nasaan si Balweg? Nasaan ang chicharon? Nananaginip lang pala
ako... mabuti na lang!
No comments:
Post a Comment