Wednesday, June 26, 2013

looking back

TATAY
sa panulat ni Joey Dote Escobilla


Buhat pa nung ako’y musmos pa sa gulang ,
Alam kong ang Tatay ay isang huwaran
Kahit kami noo’y sa buhay ay kapos,
... Buhay payak at payapa ang ligaya’y lubos

Pag kami’y gutom na,
Ang sikmura’y panay na ang kalam
Siya’y hahagilap ng aming pang-ulam,
... Kahit na masukal lulusong sa sapa, pag-ahu’y may dalang kabuting mamarang

Sa buslo’y mer-on ding himbabao, kadyus
Tapilan, balatong, sari saring talbos
Timpladang masarap Pinisang sampalok,
kinayod na mangga at ginat-ang pupos
Tunay ngang wala ng sasarap sa pagkaing handa
Na ang lahok ay pagsintang tapat at dakila.

Pag ang ibang bata’y may baril-barilan at ako ay wala
Hindi mahihili pagkat areng Tatay ako’y igagawa
Sa may bayabasa’y puputol ng sanga
Tatapyasin, Ilililok, aanyuang baril, Ilalabra

Pag ang papagayo’y nasampit sa bubong
Hanap areng Tatay doon magsusumbong
Agad naman siyang hahanap ng tikin
Upang ialagwas saranggola’t hapin

Pag ako’y maysakit, dis-oras ng gabi’t mataas ang lagnat
Kahit na bagyuhan, Malakas ang kulug at panay ang kidlat
Lulusong sa putik,pipitas ng sambong
Na ang sibulan pa’y sa likod ng tuklong
Kaun ng Mediko kahit na malayo-
Mahirap bagtasin doon sa ibayo.
Aspilet tempra at suposutoryu
Para laang maibsan ang karamdang taglay ng mahal na Bunso.

Tunay Kang dakila o Mahal kong Tatay
Para sa akin nga ay walang kapantay
Isang kang huwarang Ama ng tahanan
Ipagmamalaki at dapat tularan.

Sa iyong pagpanaw mundo ko’y gumuho
Masakit sa dibdib pighati sa puso
Sa bawat sandali ay nangngulila
Sa yakap mo Tatay, sa iyong kalinga

Maaga ka mang kinuha ng Ama
Alam Kong sa takbuhin ikaw ay tapos na
Dun sa bayang banal Dun magkikita
Muling mayayakap muling magsasama…

No comments: