- umiikot ang istorya sa paghihiganti.
- ni-rape ang kapatid ng bida o pinatay ang kamag-anak n'ya (nanay, tatay, ate, kuya, kinakapatid, kabiyak, syota, kulasisi, anak, pinsan, tiyo, tiya, lolo, lola, ninong, ninang, apo, apo sa tuhod, apo sa talampakan, ninuno).
- isa sa mga eksena ay babastusin ang bida, o ang syota n'ya, ng mga nag-iinumang istambay.
- magkakagulo sa isang okasyon (kaarawan, kasal, binyag, burol).
- hindi nakakaramdam ng sakit ang bida sa bakbakan, pero sisigaw ito at aaray pag ginagamot na ng leading lady ang mga sugat n'ya.
- pag narinig mong tumawa ang isang character nang "bwahahahaha," automatic, kontrabida 'yon.
- pag may gagawing masama, tumatawa ang kontrabida. kahit habang nanggagahasa.
- smoker at mabisyo lagi ang kontrabida.
- mahilig sa leather jacket ang kontrabida. kahit buwan ng Abril at tanghaling tapat.
- ang structure ng kalaban: ang Boss at ang kanyang "mga bata".
- ang kuta ng mga kalaban ay sa warehouse o malaking bahay.
- lagi ring may eksena sa isang beer house.
- may seksing leading lady at may bed scene na pwedeng ikwento sa Abante.
- pagkatapos ng nagbabagang bed scene ay mahinhin na ulit ang leading lady.
- marunong sa bakbakan ang babae, at kung isang lalake lang naman ay kayang-kaya nitong patumbahin.
- kung mako-corner ang bida, hindi ito papatayin. ikukulong lang at papahirapan dahil lagi s'yang gustong mahuli nang buhay ng big boss.
- pagdating sa big boss, papatayin din s'ya, pinatagal lang ng konti.
- mag-uusap ang bida at ang mortal na kalaban nito habang nagtututukan ng baril... mahabang pag-uusap, parang balagtasan, tila baga mag-syotang nasa telepono.
- may malakas na pagpapasabog kahit na hindi naman kailangan.
- walang malalakas na pagpapasabog kahit na kailangan.
- mura lang ang baril at pwede itong itapon kung wala nang bala.
- makakapulot ang bida ng baril na may bala tuwing kinakailangan.
- marunong at asintado sa baril ang leading lady kahit na hindi pa s'ya nakakahawak nito sa buong buhay n'ya.
- kaya ng bida ang dalawampung tao sa bakbakan dahil hindi naman sila sumusugod nang sabay-sabay, laging isa-isa, parang nagsasayaw.
- hindi tinatamaan ng bala ang bida kahit na tatlumpong tao ang bumabaril sa kanya, pero lahat sila tinatamaan n'ya.
- tamaan man s'ya ng bala ay laging daplis lang... bawal sa ulo o sa puso.
- siyam ang buhay ng bida.
- doble pa nito ang buhay ng leading lady.
- kung mamamatay man ang isa sa kanila ay makakapagsalita pa ito ng isang page na script bago malagutan ng hininga.
- pagkatapos pakinggan ang farewell speech, titingala ang naulila at isisigaw ang pangalan ng namatay.
- pero hindi lubusang nagiging ulila ang bida dahil kadalasan itong merong spare na partner.
- huling darating ang maraming pulis at didiretso agad sila sa pag-aresto sa mga kalaban. oo, parang may palatandaan sila kung sino ang mga kalaban... at wala silang pakialam sa bida kahit na sangkot ito sa riot!
Buhat sa Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? ni Bob Ong
No comments:
Post a Comment