tuwing maaalala ko ang isang pangyayaring naganap nung highschool ako, hindi ko mapigilang matawa at pagtawanan ang sarili ko. naranasan mo na ba'ng mag-expect ng isang bagay na hindi naman nagkatotoo at ang sama pa nito... naikwento mo na sa ibang tao na mangyayari ito pero hindi naman nangyari!
malapit na ang graduation namin nun at abala na ang lahat sa paghahanda sa nalalapit na pagtatapos. nabanggit sa akin ng kaklase kong Corp Commander ng CAT na kasalukuyan silang namimili ng kadete para bigyan ng Best Cadet Award at ayon sa kanya, ako raw ang napipisil ng mga CAT officers na pagbigyan ng award na ito. WOW! hindi pa ako nakakatanggap ng medal sa highschool ko at napakaganda namang remembrance kung makakakuha ako ng medal sa graduation! pag-uwi ko sa bahay, masaya kong ikinuwento sa nanay at tatay ko ang natanggap kong balita na kinontra naman agad ng tatay ko kasi namimili palang naman daw, wag daw muna ako umasa. pero mayabang kong sinabi na corp commander na ang nagsabi sa akin na ako ang gusto nila kaya malamang sa sigurado na 'yun.
eto na ngayon... pagdating ng araw ng graduation, sakay kami sa tricycle ng kuya ko na hindi muna bumiyahe para maihatid kami kasama ang nanay ko sa ceremony na katulad kong nag-eexpect na may medal akong makukuha as Best Cadet. at dumating na ang awarding ng mga Best In kung anu-ano. "wala akong pakialam d'yan", sabi ko sa sarili ko, "Best Cadet ang inaabangan ko dahil sa akin 'yun". nang bigla na lang nilang tawagin ang Best Cadet Awardee... Raul Carandang!!!! toink!!! at mahaba pang toooooiiiiiinnnnkkkk!!! totoo ba ang narinig ko?! napatingin sa akin ang katabi ko sa upuan na pinagkwentuhan ko rin na ako ang Best Cadet at hindi pa s'ya nagsasalita ay nangliliit na ang pakiramdam ko at dahil sa panliliit ay hindi ko na narinig o naintindihan man lang ang mga sinabi n'ya. wala na akong pakialam.
pagkatapos ng graduation tinanong ako ng nanay ko, "akala ko ba may medal ka?" hindi ko na ito sinagot at nagkunwaring walang narinig. hayup na corp commander yun! nalaman ko na lang na commandant pala ang pumipili ng best cadet, nagno-nominate lang ang mga CAT officers. sana man lang binanggit ang mga nominees, parang FAMAS, para naman hindi ako napahiya sa nanay ko at sa kuya kong hindi bumiyahe ng tricycle n'ya.
si Raul Carandang, dahil sa inspirasyong nakuha nya as Best Cadet Awardee, pumasok sa PMA at isang magiting na sundalo na ngayon. mas mabuti talagang s'ya ang nakakuha nun kesa sa akin. malamang kung ako ang nanalo nun, ipagyayabang ko lang kung kani-kanino yun!
Sunday, February 15, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
isang napakagandang kwento..punung puno ng aral..yan ang napapala ng mga taong matataas ang ihi..hahahahahahha..isang mahabang mahabang toooooiiiiiiiinnnnnkkkk para sayo mahal kong pinsan..hehehehehehe
Post a Comment