Thursday, February 19, 2009

shit happens

hindi mo ginusto 'to. pero sa sarili ay may nangyayaring gulo. walang nakakaalam, walang nakakarinig. ayaw mong humingi ng tulong dahli alam mong wala ring makakatulong sa 'yo. isa ito sa mga mapaklang katotohanan sa buhay. maaring ngayon lang ito nangyari, pero alam mong maaari itong mangyari ulit... kahit kailan, kahit saan, kahit kanino.

alam ba ng mga kamag-aaral ko? hindi siguro, dahil taimtim silang nagsusulat ng pangalan nila sa papel nang paulit-ulit. alam ba ng katabi ko? hindi siguro, dahil seryosong-seryoso ito sa pagkukulay ng mga iginuhit n'yang bahay, araw at puno. alam ba ni Madam? hindi rin siguro, dahil abala ito sa pagbabantay sa iba mo pang mga kamag-aral. walang nakakaalam ng kalagayan mo, ng paghihirap mo ngayon.

hindi mo na kaya ang lahat, ayaw mo nang mag-isip, nais mo nang tapusin ang dusa at pasakit. hindi mo na alintana kung kutyain ka ng kahit na sino man, tumigil lang ang pagtulo ng mga malalamig na butil ng pawis sa iyong katawan. at naisip mong... Ngayon Na! bigla mong inilabas ang sama ng loob. ang demonyo sa iyong bituka. ang walang-hiyang pagkain na nagpupumiglas sa kaloob-looban mo. lumipas ang ilang sandali. at doon nakahinga ka nang malalim, nang matiwasay. tumigil ang unos, payapa na ang kapaligiran. ginusto mong ngumiti ngunit may nagbanta sa kasiyahan.

"ambaho, ano ba 'yon?!"

isang kamag-aral ang nangahas na nagsabi ng katotohanan. hindi mo alam kung sino pero nais mo s'yang isumpa. s'ya at ang kanyang malaking bunganga. gusto mo s'yang pagbayarin sa ginawa n'yang kasalanan ngunit meron na namang humirit.

"may mabaho nga!!"

huh??? totoo ba ang narinig mo? hindi lang isa ang traydor sa mga kaklase mo. may isa pa, at isa pa, at isa pa... dumarami sila. hindi mo na alam ang gagawin mo. bakit kailangang mangyari ang ganitong trahedya sa isang bata?

"okay! stand up, everybody. we shall dance and sing!"

hindi sila pinansin ni Teacher, ligtas ka na. pero ano 'tong gusto n'yang ipagawa? paano ka tatayo? paano mo ipagtatapat ang lahat? umikot ang iyong mga mata, pumihit ang iyong ulo pero wala sa paningin mo ang nanay mo, o si ate't kuya. kanino ka hihingi ng saklolo?
litong-lito ka na nang mapansin mong lahat ng kamag-aaral mo ay nakatingin na sa'yo, pati si Teacher. ikaw na lang ang nakaupo. lahat naghihintay na sa iyong pagtayo, mga matang nakatitig sa iyong mga mata. tahimik ang buong klase, tibok ng puso mo lamang ang tanging naririnig mo. hindi mo na alam kung ano pa meron ang buhay. ayaw mo na sana gumalaw ngunit tinapos ng isang bata ang kalbaryo mo nang basagin n'ya ang katahimikan.

"ay, Teacher, tumae s'ya!!!"

wala ka na ulit naalala....



-Bob Ong
ABNKKBSNPLAKo?!

No comments: