Friday, July 6, 2012

holy be their names


Ilang taon na rin ako sa trabaho ko bilang assistant ng amo ko na s’yang tagapamahala ng pintuan ng langit. Maayos ang takbo ng trabaho ko at relasyon namin ng amo ko hanggang sa dumating ang isang pagkakataon na hindi namin inaasahang pareho. Isang araw, may dumating na panauhin sa gate na binabantayan namin ng aking amo. Isang pari at isang tsuper ng dyip ang magkasabay na dumulog sa aming tanggapan. Ang order na natanggap ng amo ko, papasukin ang tsuper at tanggihan ang pari dahil nakalagay daw sa report na ang pari ay namumuno ng misa sa nakakawalang-ganang paraan at nakakatulugan ng mga dumadalo sa misa. Samantalang ang tsuper daw, sa kabilang dako, ay kaskasero sa pagmamaneho at lahat ng maging pasahero n’ya ay nagiging paladasal at mas napapalapit sa Diyos sa oras na umupo sa loob ng dyip n’ya.

Pinapasok na ang tsuper at ang pari na bumubulong-bulong sa sama ng loob habang nakatingin sa tsuper ay naiwan habang naghihintay ng sasakyan na maghahatid sa kanya pabalik sa dapat n’yang kalagyan. Napaisip at nanlumo ako sa nangyayari. “Hindi tama ito”, ang sabi ko sa isip ko,”kailangang may gawin ako”. Ilang minuto akong nagmuni-muni at pagkatapos ay naglakas ng loob na kuwestyunin ang amo ko. Ipinaliwanag ko sa kanya na ang mga paring ito ang banal na representasyon ng langit sa lupa. Halos 10 taon ng pagpapakadalubhasa ang ginugol nila para tapatan ang ginawa ni Hesus sa buong buhay N’ya, isang milagrong walang makakapagpaliwanag. Tinanong ko ang amo ko, “sa tingin mo, kung malalaman sa lupa na may isang paring tinanggihan ang langit, maniniwala pa kaya ang mga tao sa langit?” Ipinaliwanag ko sa amo ko kung gaano kabanal ang mga pari sa lupa at kung gaano katibay ang paniniwala ng mga tao na bigay ng mga pari ang kalangitan sa mundo. Ang ipinagtataka ko, parang walang kaalam-alam ang amo ko sa mga sinasabi ko!

Nag-iinit na ang ulo ko sa kakapaliwanag ng kabanalan ng mga pari ng bigla ako hilahin ng amo ko sa loob ng opisina n’ya. Inutusan n’ya akong gumawa ng email gamit ang MS Outlook 2010 at ilagay lahat ng sinabi kong kabanalan ng mga pari (in bullet form). Mabilis ko itong tinayp kahit naiilang ako sa dialogue box sa sulok na nagsasabing Get A Genuine Microsoft Windows at ipinadala namin ito sa kataas-taasang amo para humingi ng konsiderasyon. At dahil online naman ang kataas-taasang amo, agad s’yang sumagot pabor sa pari at sinabi pa n’ya na dahil sa nalaman n’yang pagpapakalat ng mga pari ng mga aral ng kalangitan sa lupa ay bubuksan n’ya ang langit para sa lahat ng pari na ikinalugod naman ng amo ko at ng paring bisita namin. Sinabi pa n’ya na maaring maglabas-masok ang mga pari sa langit dahil sa banal na layunin ng mga ito.

Mabilis na kumalat ang ginawa kong matagumpay na pagtatanggol sa kabanalan ng mga pari sa lupa at hindi ito naging lingid sa mga paring ipinaglaban ko. Nagtipon sila at nagbunyi sa nabalitaan nila at naging bayani naman ako sa paningin nilang lahat. Napagkasunduan nilang imbitahan ako sa isang magarbong piging bilang pasasalamat at ganti na rin sa kabayanihang ginawa ko para sa pagtatanggol ng kabanalan nila na masaya ko namang tinanggap.



Sa isang bar sa may Timog ang napagkasunduang venue ng magarbong piging para sa akin. Maraming pari ang nagdatingan, mga nabubuhay at yumao na, at lugod na lugod sa pagpapaunlak ko sa imbitasyon nila. Kabi-kabila ang nagpapapirma ng autograph sa laylayan ng sutana nila at marami rin ang nagpapapicture. Maya-maya pa ay inumpisahan na ang kasiyahan nang sa tantiya nila ay naroroon na ang lahat at wala ng hinihintay. Naitanong ko sa katabi kong pari kung may naiwan ba sa mga simbahan dahil parang andun lahat ang mga pari sa lupa. Ang sagot sa akin ay wala raw at pansamantalang ipinagamit sa El Shaddai ang mga simbahan dahil lahat daw ng pari ay sabik sa pagtitipon, isa pa ay kilalang banda raw ang nakaschedule na tutugtog ng gabing iyon.

Sa mahabang mesa ay kalapit ko sina Padre Damaso, Padre Salvi, Fr. R. Reyes at marami pang mga kilalang pari. Namataan ko rin sina Balweg, Fr. Sin, mga paring mahilig sa pulitika, at ang sikat na pari nung bata pa ako, ang paring walang ulo na nandudura, lahat sila ay naroon naman sa kabilang dulo ng mesa.

Masayang nagkukumustahan ang lahat at nagkukwentuhan habang tumatagay ng malamig na SanMig Light, ang iba naman ay nakatutok sa bandang tumutugtog at nakikikanta ‘pag chorus na. Pinakanaka-bonding ko si P. Damaso dahil s’ya ang pinakamakwento at kwela sa kanilang lahat. Naikwento n’ya ang mga himalang nagawa n’ya nung aktibo pa s’ya sa serbosyo. Hindi n’ya mabilang kung ilang mag-asawang hindi magkaanak ang natulungan n’yang magkaanak, wala raw panama sa kanya ang pagsasayaw sa Obando at mga nabibiling fertility relics at kahit daw IVF ay maluluma sa kanya. Idinetalye n’ya ang vigil na ginagawa nila ng mga misis na hindi mabuntis pero himalang nabubuntis isang buwan pagkatapos ng masinsinang vigil nila. Sa gitna ng mga kwentuhan at tawanan ay napansin ko na medyo may kaunting hindi magandang namamagitan kina P. Damaso at P. Salvi dahil hindi pinansin ni Damaso nung makisuyong makiabot si Salvi ng hotsauce para sa inorder n’yang sisig. Naintriga ako at bilang isang bayani nila, ayokong may hidwaan at iringan sa bawat isa sa kanila. Pasikreto ko silang kinausap ng malapitan at tinanong kung ano ang problema. Nanggagalaiti si Damaso sa pagkukwento habang nalalasahan ko ang luya mula sa tinolang paborito n’yang pulutan dahil sa nagtatalsikang laway n’ya sa mukha ko. Ayon sa kanya, pilit daw ginaya ni Salvi ang mga himalang ginawa n’ya kahit s’ya na ang nakapagparehistro ng patent nito. At ang lubos n’yang ikinakagalit ay ng pilit n’ya itong gawain kay Maria Clara na hindi naman daw namumrublema sa hindi pagkakaanak dahil wala naman itong asawa. Hindi lingid sa lahat kung ga’no kahalaga si Clara kay Damaso dahil produkto ito ng himala mula sa masinsinang vigil nila ni Pia Alba.

Nagpaliwanag naman ng masinsinan si Salvi at nangatwirang mataas ang paghanga n’ya kay Damaso at nagawa lang n’ya ang mga bagay na yun dahil sa pagtingala n’ya rito. Si Damaso, sa kabilang banda, ay natauhan at nawalan ng galit ng malamang iniidolo pala s’ya ni Salvi. Agad na nawala ang tensyon sa kanila at mahigpit na niyakap ni Damaso ang dating kaibigan, narinig kong lumagutok ang buto ni Salvi at namumula pa ito habang naglalakad kami pabalik sa pagtitipon.

Pagbalik namin ay nagulat ako dahil may nadagdag na bisita. Pawis na pawis sa kanyang amerikana si Bro. Mike dahil nagmamadali itong humabol galing sa katatapos lang na El Shaddai. Kahit hindi s’ya pari ay malapit s’yang katropa ng mga ito dahil sa lakas ng benta ng mga merchandise n’ya. Nagtataka ako kung bakit ang init-init ay balot na balot s’ya ng makapal na amerikana. Basang basa na rin ang panyo n’yang maraming sulat sa kakapunas ng pawis, mabuti na lang at malamig na beer ang iniinom kaya unti-unting naibsan ang pagpapawis n’ya. Nagpalakpakan at nagbunyi ang lahat ng makita nilang magkaakbay na dumating sina Damaso at Salvi. Naging bayani na naman ako dahil sa nagawa ko.

Napangiti ako pagbalik ko sa upuan. Kitang kita ko ang saya ng mga kaharap ko, batuhan ng mani, agawan ng tagay at kung anu-ano pang kulitan. Ramdan na ramdan ko ang kabanalan ng mga paring ipinaglaban ko. Nasabi ko sa sarili ko, “hindi ako nagkamali ng pagtatanggol sa inyo”.

Kasalukuyan kong iniaabot kay Balweg ang isang balot na chicharon ng biglang may tumapik sa akin, “hoy, kakain na tayo. Tamban ang ulam ngayon, paborito mo!” Napabalikwas ako at biglang nagulat, nasaan si Balweg? Nasaan ang chicharon? Nananaginip lang pala ako... mabuti na lang!

Monday, May 14, 2012

birthday blog

may 14, 1979, araw ng lunes nang ipanganak ako sa bayan ng lemery, lalawigan ng batangas. sa nakaraang 33 taon, maraming bagay na ang nangyari sa akin. natural naman 'yun kasi hindi mo naman kayang nakaupo ka lang sa loob ng 33 years.

naisip ko, simula ng magfacebook ako.. dagsa ang greetings 'pag birthday ko. kahit hindi ko kakilala o mga hindi ko inaasahan na babati, may greetings at wishes para saken pag birthday ko. kaya nung makalawa, sabi ko 'tignan ko nga kung me bumati kapag walang notification' - dinisable ko ang pagpost sa wall ko at tinanggal ang birthday sa profile ko. naisip ko kung tatanggalin lang ang birthday ko at pwede pa rin magpost sa wall, dun ako babatiin ng pamilya ko at malamang makikita rin ng iba at makikibati na rin.

ang resulta, tahimik ang wall ko... walang polusyon. ang greetings na natanggap ko, genuine galing sa pamilya at mga totoong nakaalala. special mention, ang unang facebook message na natanggap ko ay galing sa pinsan kong si rizza kasama ang pagbati ng ninang ko na nanay n'ya. ang ibang greetings syempre hindi mawawala ang sa mga kapatid ko, pamangkin at ang mahal kong asawa.

mapanlinlang ang facebook, nalulunod tayo sa dami ng greetings o wall posts o comments dahil nakalantad ang mga pangyayari sa buhay mo. hindi mawawala ang mga sincere at may pagmamalasakit talagang mapapadaan at susulat sa wall mo pero tambak ang 'nakikigaya' lang. ang sa akin lang, wag natin paikutin at idipende ang buhay natin sa facebook, may totoong buhay na nakaabang sa atin na nasa kabilang tabi... hindi sa facebook lang. sa ginawa kong ito, napatunayan ko na hindi matutumbasan ng daan-daang post sa facebook wall mo ang iilang pagbati mula sa mga mahal mo sa buhay.

don't let your life be an open book that nobody wants to read...

Friday, April 13, 2012

isang taon

araw ng biyernes. as usual, nakakulong sa kwarto pagkatapos maglaba. sinusubukang matulog pero hindi naman makatulog, nagdesisyon akong manood na lang ng mga nakatago kong concert at bon jovi live at madison square garden 2008 ang napili ko. ok lang naman, nakita ko na dati hindi nga lang buo. ayos din lang kasi idol ko naman talaga sila kaya nalibang na rin ako, pamatay-oras.

eto ang siste, nung kinanta ni richie sambora ang i'll be there for you... enjoy lang ako nung una sabi ko ok din pala si sambora kasi dun ko lang s'ya nakita kumanta ng lead. pagdating sa lyrics na 'i wasn't there to make you happy, i wasn't there when you were down. i didn't mean to miss your birthdays baby, i wish i have seen you blow those candles out'... para akong batang inagawan ng kendi. dun biglang bumaha ang luha ko at hindi ko napigilan, hindi ko talaga mapigilan hanggang ngayon.

first birthday ng anak ko bukas, 140412. isang taon na ang nakaraan, wala rin ako sa tabi ng nanay n'ya nung isilang n'ya ang prinsesa namin. ngayon, selebrasyon ng kaarawan n'ya wala na naman ako. naisip ko, baka paglaki ng anak ko kasuklaman na lang ako. sabihin na lang, 'anong klaseng tatay ba meron ako, palaging wala sa tabi ko'. natatakot ako dun. hindi ko ginustong mawala sa tabi n'ya. nung makasama ko s'ya sa bakasyon ko, hindi n'ya alam kung ga'no kahirap ang umalis sa tabi n'ya, kung ga'no kalungkot ang mabalik ako sa kwartong ito na piitan ko ngayon. hindi ko choice na lumayo para magtrabaho at kumita ng pera para sa kanila pero kailangan kong gawin ito. hindi ko alam kung pano maipauunawa sa kanya ito o kung mauunawaan n'ya nga ba.

napakahirap ng ganitong sitwasyon. akala ko nung una simple lang, madali lang. ngayon, naunawaan ko na kung bakit hindi na nakayang umalis ng kuya ding ko para mag-abroad, at the same time, naunawaan ko rin kung bakit umalis ang kuya cris ko at nag-abroad... kumplikado 'di ba? ganyan ang buhay, puno ng kumplikasyon.

may posibilidad na paglaki ng anak ko ay iisipin n'ya na hindi ako mabuting ama, pero matutuwa ako kung hindi. kung sakaling mangyari 'yung nauna, tanggap ko na ito. kasama ito sa mga sakripisyong kailangan kong tanggapin para maitaguyod s'ya at masubukang bigyan ng magandang buhay.

sana lang alam n'ya na kahit ubod ng layo ko sa tabi n'ya, ginagawa ko ito because i want to be there for her...

Saturday, December 24, 2011

merry christmas?

alam ko tampo ka na naman... mahigit isang taon yatang wala akong nasabi sa'yo. sasabihin mo na naman lumalapit lang ako 'pag bagsak na ako. pero ewan ko.. ito na yata ang pinakamalungkot na paskong dadaan sa buhay ko.

nung mawala ang tatay, malungkot din nun pero ang pakakaiba lang kasama ko ang pamilya ko nung dumaan ang unang pasko na wala ang tatay. malaking bagay 'yun. pero ngayon parang wala, mag-isa lang talaga ako. ang mas nakakalungkot pa, may prinsesa na ako pero ni hindi ko mayakap o mahawakan o makita man lang. nakakalungkot talaga... sana naiintindihin mo ako. alam ko naman ikaw lang nakakaintindi sa akin 'pag walang wala na ako.

sandamakmak ang batiang nakikita ko kahit sa facebook lang pero taga-like na lang ako. hindi ko masabi sa sarili kong merry christmas kasi malungkot... parang lahat nagsasaya pero ako nakatingin lang, nakikingiti kahit mahirap ngumiti.

salamat sa pakikinig, pasensya ka na..

Sunday, May 22, 2011

Monday, October 11, 2010

mapapatawa ka!

Mula sa kopi teybol dedbol buk
ni Eros S. Atalia

Nang Lapastanganin Sina Asyang Aswang at Minyang Manananggal


Magkatabing nagpapahid ng langis sina Asyang at Minyang sa pusod ng sagingan. Nagkubli na parang nahihiya ang buwan sa nasasaksihan.

“Peste… talaga oh, akalain mo bang sa ganitong paraang pa tayo mabubuntis?” habang hinihimas ni Asyang ang tyan ng langis, “hanggang ngayong buwan na lang tayo pwede makapanila… masyado ng malaki ang tyan natin, mahihirapan na tayo.”

“Bwaka ng anghel na buhay talaga ‘to. Eh, akalain mo bang may magkainteres pa sa atin?” habang unti-unting humihiwalay ang pang-itaas sa pang-ibabang katawan ni Minyang na binibitbit ng kanyang malalapad na pakpak.

“Kasi ba naman… bakit ba naman eh. Nung iwan ko itong kaputol ko sa kamalig nina Mang Ute, di ko akalaing pakikialaman ito ng anak niyang sinto-sinto. Lapain ko tuloy sa galit.”

“Buti ka nga at kahit sinto-sinto eh tao ang ama ng anak mo. Eh ako?” gigil ang tinig ni Asyang samantalang lumilitaw na ang makakapal nitong buhok at balahibo, mahahabang mga pangil at matatalim na mga kuko.

“Ha? Bakit… sino ba ang ama nyan?” ang nguso ni Minyang sa sinapupunan ng kaibigang aswang.

“Noong hinahabol ako ng ronda, nagsa-aso ako at agad na pumasok sa bakuran ni Kapitan… Akalain ko bang sangkatutak ang mga Doberman doon?”

maikling kuwento

Buwan, Buwan Hulugan Mo Ako ng Sundang
ni Lualhati Bautista

I

"Pangalan mo?"

Napaangat ang mukha ni Angela. Napatitig siya kay Doktor Isidro. Saglit na nagduda siya kung hindi kaya nag-uulyanin na ang matandang doctor at hindi na nito matandaan ang pangalan niya gayong maraming taon na silang magkakilala.

"Angela po," sagot ni Angela, "Angela Miguel."

Hindi nagbago ang timpla ng mukha ni Dr. Isidro. Hindi ito nagpakita ng anyo ng rekognisyon. At bigla'y nahulaan ni Angela na nagtatanong ito hindi dahil nakakalimot na ito kundi tinetesting nito kung siya ba, si Angela Miguel, ay nakakaalala na!

"May asawa?"

"Opo."

"Pangalan?"

"Onofre. Onofre Miguel," mabilis at tiyak na sagot niya.

"May anak?"

"Opo, meron!" Iyon ang hindi niya makakalimutan. Ang totoo, iyon ang kailanma'y hindi niya nakalimutan, kahit sa loob ng mga taon ng pagkabilanggo niya sa narerehasang puting silid na ulila sa mukha at hubog ng kapwa tao pero kadalasang sinasalakay ng iyak, tawa, daing, sigaw, at paghuhuramentado ng naglipanang baliw sa kanyang paligid.

"Ilan?"

"Isa lang po. Aliw po ang pangalan niya. Malaki na siya ngayon, Dok!" sunod-sunod na sagot ni Angela, at sinikap niyang pigilin ang piglas ng damdamin sa pagkatao niya. Baka mabigla siya, ipagyabang niya nang husto si Aliw. Baka mabigla siya, mapatawa-mapaiyak siya. Masama iyon, baka ibalik siya ni Dok sa puting silid na may bakal na rehas sa bintana't pinto.

Kaya nang tumawa si Angela, banayad na tawa lang:

"No'ng araw, Botik-kotik ang tawag namin sa kanya. Pero malaki na siya ngayon. hindi na niya magugustuhan ang Botik-kotik!"

Ngumiti na nang matipid si Dr. Isidro. "Maganda ang pangalan niya: Aliw."

Dahil sa kanila ni Onofre, iyon ang kahulugan ng pagsilang ng anak nila. Aliw.

Pero hindi niya babanggitin si Onofre kay doctor. Baka maalala ni Doktor na hindi siya dinadalaw ni Onofre. Halos mula pa ng araw na dalhin siya rito. At sampung taon na ang tagal n'yon.

Di bale na lang. Kahit noon, sa manaka-nakang pagsagi sa kanya ng katinuan, sinasabi-sabi niya sa sarili: di bale na lang. Wala siyang magagawa. Talagang gano'n ang buhay. Iniibig ka niya ngayon, bukas ay hindi na. Lalo na kung na-mental ka.

Hindi mo siya masisisi. Siyempre, nalalabuan din 'yong tao sa lagay mo. Siyempre, iniisip din no'n, baka hindi ka na makalabas diyan. Pasensiya ka na kung sakali ma't nag-asawa na siya sa iba. siyempre'y kailangan din niya ng makakasama sa buhay!

Pero laman na rin pala ng isip ng doktor si Onofre. At ngayo'y itinatanong nito sa kanya:

"Nawala na ang asawa mo. Pa'no paglabas mo rito? Sa'n ka uuwi?"

Nakanti ni Doktor ang hinanakit niya pero may hatid ding tuwa sa kanya ang laman ng mga salita nito. Nagkabuhay ang mukha ni Angela:

"Lalabas na 'ko, Dok?"

"Kung may matutuluyan ka."

"Meron po! Si Chabeng! Kaibigan ko 'yon! Nakita n'yo na 'yon, Dok! Nagpunta na siyang minsan sen'yo! Kinukumusta niya sen'yo ang lagay ko!"

Tumangu-tango si Doktor, pero hindi kumbinsido. "Tatanggapin ka kaya niya?"

"Kaibigan ko siya, Dok!" ulit ni Angela, at punung-puno ng pag-asa ang tinig nito. "Matalik kong kaibigan!"

Tatangu-tango pa rin si Doktor.

"At sabi n'yo sa kanya, siguro, minsan. puwede na 'kong umuwi. Parang pagsubok, sabi nyo. Dalawang araw-tatlong araw. Kung makakaya ko nang mabuhay uli sa labas," nagkaro'n na ng paninikluhod ang tinig ni Angela. "Dok, kayak o na! Magaling na 'ko!"

Tumitig sa kanya si Dr. Isidro. Parang ngayon lang ito nakukumbinse na magaling na nga siya. "E halimbawa mong pinauwi nga kita sa bahay ng kaibigan mo. ano'ng gagawin mo sa loob ng dalawa-tatlong araw na naro'n ka?"

"Dadalawin ko po'ng anak ko!"

"Sa'n ba naro'n ang anak mo?"

"Sa half-way home."

"Anong half-way home?"

Pangalan. Diyos ko, ang pangalan ng half-way home! Ano nga ba'ng pangalan no'n? Hindi niya natatandaan! Kinabahan siya na hindi na niya natatandaan ang mismong pangalan ng half-way home! Na sa isang pagkalingat niya sa loob ng mga panahong ito, naiwala niya ang pangalan !

Kinabahan siya na baka signos ito na hindi pa rin siya lubos na magaling. Na baka kasamang nawala ng pangalan ang isa pang piraso ng katinuan niya. Tuusin mo na alam niya ang pangalan ng half-way home maski no'ng bagong dating siya rito! Tuusin mo na gayong iniwan siya ng matinong pag-iisip niya, sa manaka-naka't biglaang pagdalaw nito, ang pinakamalaking dala-dala nito'y gunita ng half-way home na pinag-iwanan nila ni Onofre kay Aliw!

Sumakay sila ng taksi. Natatandaan niya pati kulay ng taksi: dilaw. Natatandaan niya iyon na para bang sa isang panahong darating, pag nakahanda na siyang balikan ang kanyang anak ay maaari siyang magsimula sa pagpunta sa half-way home sa pamamagitan ng isang dilaw na taksi!

Ang half-way home ay isang malaki't lumang bahay an ang mga bintana'y nababakuran ng kalawanging bakal. Nasa loob iyon ng isang bakurang naguguwardiyahan ng matatandang puno ng kaymito't mangga. Ibinigay nila si Aliw sa isang nakasalaming babae na ang buhok ay nasasalitan na ng puti at ang leeg ay nasasabitan ng kuwintas na perlas. Tinandaan niya ang mukha ng babae. Tinandaan niyang mabuti ang mukha ng babae para alam niya kung kanino kukunin si Aliw pagdating ng oras. Hiningi pa ng babae ang partida bautismo ni Aliw. Sabi pa nga ng babae, mabuti't tinanggap sa simbahan ang pangalang Aliw. Sabi naman ni Onofre, may Maria po kasi sa unahan. Maria Aliw.

"'Kako, ano'ng pangalan ng half-way home?" untag ni Dr. Isidro kay Angela.

Gustong magbigay ni Angela ng pangalan, kung maaari'y kahit mag-imbento na lang siya ng pangalan. Para malaman ng doktor na alam niya ang sinasabi niya. Para h'wag isipin ng doktor na baliw pa siya!

Nagtangka siya. Pero naunahan siya ng takot na makita ng doktor ang kasinungalingan sa kanyang mukha. At magalit ito't hindi siya palabasin.

Pinili ni Angela na aminin ang totoo:

"Nakalimutan ko!" kasunod nito'y napaiyak si Angela. "Diyos ko, nakalimutan ko!" na para bang iyon na ang pinakamalaking trahedya na maaaring mangyari sa mundo!

Pinabayaan siyang umiyak ni Dr. Isidro. Pinabayaan siya nang pinabayaan pero nang mukhang hindi siya titigil, tinapik siya sa balikat. "Sige lang, walang kuwenta 'yon," sabi nito. "Maski pinakamatatalinong tao'y nakakalimot. minsan nga'y kung alin pa ang pinakasimpleng bagay, tulad ng spelling ng one. o two."

Napahinto sa pag-iyak, napatanga si Angela sa doktor. Nakangiti sa kanya ang doktor.

"Pagpunta uli rito ni Chabeng, pasasamahin kita sa kanya. At, Angela. ang pangalan ng sinasabi mo ay Metropolitan Settlement House."

II

Mula ng hawakan niya ang papel ng pagka-superintendent sa ampunang ito'y libong kaso na ang dumaraan sa kanyang kamay. Dito na pumuti ang buhok niya, si Mrs. Buenaventura, at bagama't may bukas siya ng mukhang tulad sa isang istrikto't masungit na titser, sa iba't ibang paraan ay hindi rin niya maiwasang magkaro'n ng damdamin sa mga anak at ina - at minsa'y pati ama, na humihingi ng kanyang tulong.

Hindi ng tulong niya, kundi ng ampunang kinakatawan niya. Hindi siya mismo ang ampunan - kung baga'y siya lang ang tulay na tinatawid ng mga tao papunta sa isang sangktuwaryo. Ang ampunan mismo'y proyekto ng mga asa-asawa ng isang non-stock, non-profit organization ng malalaki't mayayamang lalaki. Sa kawalan yata ng magawa o mapagtapunan ng pera, nilikha ng mga nasabing babae ang ampunan mula sa isang lumang bahay-Kastila at ikinabit sa ilalim ng paying ng SWA na ngayo'y MSSD.

Naglayon iyong magsilbi sa mga indigent mothers na karaniwa'y mga utusang inimporta pa mula sa Bisaya't naanakan sa Maynila ng kung sino. Mga babaing walang asawa, walang kamag-anak, walang matakbuhan. Kukunin nila ang anak, aalagaan nang libre, habang ang ina'y namamasukan bilang labandera o yaya ng anak ng iba; at sa panahon na handa na ang ina na kunin ang anak niya, babakantihin nila ang duyang iiwan ng bata para ihanda sa ibang darating pa.

Pero nagkaroon ng mga kaso ng di-pagsipot ng ina, o ama. Si Lito L. ay inabot sa kanila ng pitong taon. Wala silang facilities para sa isang pipituhing taon na tulad halimbawa ng eskuwelahan. Obligadong ipasa nila si Lito sa ibang lugar na higit na makapagbibigay ng mga kailangan nito.

Kawawa ang bata. Bago nila natuklasan na abandoned child na pala'y malaki na ito't wala nang may kursunadang umampon pa.

Si Jennifer ay inabandon din - pero hindi rito kundi sa isang ospital. Sabi'y hindi raw makabayad sa ospital ang magulang ni Jennifer kaya pinaiwan ng ospital ang noon ay bagong silang pang bata bilang garantiya. Sanla, kung baga sa kasangkapan. Na araw-araw ang interes. Ibig sabihin: bayad sa nursery, bayad sa alaga, na araw-araw na ipinapatong ng ospital sa listahan ng utang ng magulang nito. Maaaring sa ikatlong araw ni Jennifer sa mundo ay limandaang piso lang ang pagbabayaran ng magulang niya. Ginawan ng paraan ng mag-asawa ang limandaan, nalutas nila ang problemang iyon pagkaraan ng isang lingo pero nang bumalik sila sa ospital, ang sinisingil na sa kanila'y isanlibo't limandaan.

Ayaw pa ring i-release ng ospital si Jennifer kung para man lang mapako na lang sa isanlibo limandaan ang utang ng magulang nito. Nanatili si Jennifer bilang sanla, bilang garantiya.

Inabot si Jennifer ng apat na taon sa ospital nang hindi natutubos. Sa loob siguro ng panahong iyon, nagkaanak na uli ang magulang niya at hinarap ng mga ito ang masaklap na katotohanang hindi na nila matutubos si Jennifer. No'ng malaki na si Jennifer, hinarap din ng ospital ang katotohanan na hindi na ito matutubos, at nagdesisyon silang ilista na lang ang bata bilang isa sa mga bad debts na naeengkuwentro ng kahit anong negosyo, pang-tax deduction na lang nila. At inilabas nila ng isterilisadong silid ng mga sanggol si Jennifer at ipinasa sa MSSD. Walang mapaglagyan ang MSSD, ibinigay nila ito sa settlement house.

At tinanggap ni Mrs. Buenaventura ang isang apat na taong bata na hindi marunong magsalita - sapagka't walang nagmalasakit kumausap dito sa panahon na kailangan nitong matuto; at hindi rin makatayo - sapagka't ang uuguy-ugoy na mga cribs sa ospital ay sinadya talaga para ma-discourage tumayo, at dumukwang, ang mga bata dahil makakaabala sa abalang mga narses.

Natuto ang MSSD sa kanyang mga karanasan. Nagbaba siya ng regulasyon sa kanyang mga sangay na ang batang hindi siputin ng magulang niya sa loob ng anim na buwan ay awtomatikong malalagay sa katayuan ng isang abandoned child, na awtomatikong maglalagay din sa kanya sa listahan ng mga batang eligible for adoption.

Natuklasan ni Mrs. Buenaventura na marami nap ala silang eligible for adoption.

Ngayo'y sinasabi niya sa payat na babaing kaharap niya. "Kung andito ang anak mo, t'yak na kilala ko. Ano ang pangalan ng anak mo?"

"Aliw," walang gatol na sagot ng babae. "Maria Aliw Miguel," mabilis na dugtong nito.

Aliw. Kinabahan si Mrs. Buenaventura. Sa kasalukuyan ay wala silang bata rito na nagngangalang Aliw, pero parang may isang panahon na meron silang gano'ng pangalan.

Aliw. May malabong gunitang gusting bumalik sa isip niya kaugnay ng pangalang iyon.

"Misis, ano'ng pangalan mo?" tanong ni Mrs. Buenaventura.

"Angela po. Angela Miguel."

"Anong taon mo dinala rito ang anak mo?"

"Sampung taon na po ang nakakaraan. Dalawang taon pa lang siya no'n. Mabilis na siyang lumakad pero. pero kokonti pa lang ang nasasabi niya. Si Aliw. Botik-kotik ang tawag namin sa kanya no'n, at kami ng asawa ko ang nagdala rito. Onofre po ang pangalan ng asawa ko. 'Yong mataas, pero payat na lalaki. Taga-Palawan ho siya."

Botik-kotik. Lumilinaw ang gunita sa isip ni Mrs. Buenaventura, at lumalakas ang kaba ng dibdib niya, na sinusundan ng di-maiwasang pagkalito sa kanyang mukha.

"Iisang anak kop o siya, ma'am!"

"S-sandali lang!" sabi ni Mrs. Buenaventura at tumindig siya, mabilis na nagpunta sa isang silid, inabala ang sarili sa salansan ng mga records sa filing cabinet.

Hinahamig niya't sinisikap payapain ang sarili. Diyos ko, nakagawa ba kami ng malaki't walang kapatawarang pagkakamali? Pero anong malay namin na isang araw ay bigla na lang sisipot ang babaing ito!

Nagtatagal siya sa silid, habang pinangangatwiranan ni Mrs. Buenaventura sa sarili ang mga regulasyon at aksiyon ng settlement house.

Sabi rito sa record ay nasa mental hospital ang babaing ito no'ng mga panahong iyon. alangan naming makipaglinawan pa kami sa isang nasa mental hospital! Alangan namang i-monitor pa namin sa doktor ang progreso niya. kami rito'y mga abalang tao!

Pero ang baliw na babae noon ay tila binalikan ng ngayon ng matinong pag-iisip. pa'no kung balikan uli siya ng pagkabaliw bunga ng sasabihin niya ngayon dito?

Hindi, hindi ko kasalanan pag may nangyari sa kanya. Wala kaming magagawa. 'yong kapakanan ng bata ang una naming dapat intindihin!

Sumunod lang ako sa batas. hindi nila 'ko maaakusahan ng krimen!

Sa huli, wala ring nagawa si Mrs. Buenaventura kundi labasin at muling harapin ang babaing naghahanap sa kanyang anak.

"A, Misis. k'wan, kinuha ko ang record ng anak mo. Na-mental ka pala. Magaling ka nab a?"

Nahihiyang umamin ang babae. "H-hindi ko ho sigurado. Pero pinayagan na ho akong lumabas ng doktor. Hanggang sa makalawa ho, Ma'am. Parang pagsubok daw, k-kung kayak o na ngang pumirmi dito," at mabilis nitong idinugtong, sa tinig na napauunawa: "Ma'am, hindi ko pa naman kukunin ang anak ko, e. Dadalawin ko lang po!"

Tumango't naupo na uli si Mrs. Buenaventura. "Samakatuwid, mula't sapul. hindi mo nadadalaw ang anak mo?"

"Nasa mental nga po ako."

"E ang asawa mo?"

Nakita ni Mrs. Buenaventura ang pagdidilim ng mukha ng kausap. "H-hindi ko ho alam!"

"Hindi rin niya dinadalaw ang anak mo," sabi ni Mrs. Buenaventura.

Kumirot na ang mukha ng babae. Nadama ni Mrs. Buenaventura ang pagsama ng loob nito, na sinikap nitong takpan ng maikli't walang damdaming tanong. "Gano'n ho ba?"

"At alam mo, iha, meron kami ritong mga regulasyon. Kailangan, maski narito ang bata, dinadalaw din ng magulang niya. Pag anim na buwan nang hindi dinadalaw ang bata, napipilitan na kaming ideklara siya na abandonado."

Napaangat ang mukha ng babae na parang hindi naintindihan ang salitang abandonado.

"Ibig sabihin, pinabayaan na. Iniwan na."

"Hindi ko ho iniwan lang ang anak ko!"

"Oo, pero ang sinasabi ko sa 'yo, ang regulasyon namin."

"M-mahal ko po ang anak ko, ma'am!" giit pa rin ng babae. "Babalikan ko siya talaga. Kukunin ko. Kahit akong mag-isa ang magpapalaki!"

"Pero meron nga kaming mga regulasyon," giit naman ni Mrs. Buenaventura. "Angela, ang unang isinasaalang-alang namin dito'y ang kapakanan ng mga bata. Pero hindi naman basta gano'n na lang. Bago kami gumawa ng hakbang, pinipilit din naming macontact muna ang magulang niya. Sinusulatan namin, pinapupuntahan namin. nananawagan pa nga kami sa mga diyaryo!" Inililitaw na ni Mrs. Buenaventura ang mga sulat at ginupit na balita sa diyaryo na kasama ng records ni Aliw. "Gano'n ang ginawa namin sa kaso ni Aliw. Eto, o: nakatatlong sulat kami sa mister mo. Eto pa nga ang panawagan namin sa People's. Basahin mo, o: Tinatawagan si Mr. Onofre Miguel ng 38 Caballero St., Tundo, Maynila, na makipagkita sa Metropolitan Settlement House. Ang ibig kong sabihin, ginawa naming ang lahat para makaharap ang mister mo, makausap namin."

Nag-uumpisa nang mang-usig ang mata't tinig ng payat na babae. " Anong ibig n'yong sabihin ?

"Ikaw, alam naming nasa mental ka. No'ng mga panahong iyon, Malabo pa kung gagaling ka o hindi. Kaya ang mister mo ang sinisikap naming makausap."

At ang kabadong tinig ng babae'y naging hiyaw. "Ano'ng ibig n'yong sabihin?"

Lumikot ang mga mata ni Mrs. Buenaventura, naghanap ng sino mang abot-sigaw niya, na makakadalo sa kanya kung sakali't bigla'y maging bayolente ang kausap niyang dati'y baliw.

"No'ng mga panahong iyon, may isang mag-asawang gusting umampon kay Aliw." tinatatagan ang sarili, banayad na umpisa niya.

Nakita niya ang pamumutla, pagkagimbal ng babae.

". pero tinitiyak namin na may kakayahan talaga ang pinagbibigyan namin sa mga bata."

Nanginginig ang kausap niya. Parang nililindol.

". na maski pa'no'y liligaya ang bata do'n sa magiging magulang niya. Misis, ang kapakanan ng bata ang una sa lahat ay --. Misis, h'wag! Leo, Marcial, dali kayo!"

Bago nakadalo sina Leo at Marcial ay bumagsak na ang babaing nagtangkang tumindig!

III

Umiinom na naman si Onofre. Gabi-gabi sa loob ng nakaraang isang linggo'y wala na siyang ginawa kundi uminom. at uminom nang libre! Marami siyang kabagang sa dating lugar, at big shot ang tingin sa kanya ngayon ng mga tagarito. Binabati siya, pinakikibagayan, pinangingilagan, pinaiinom. Hindi niya gusto ang pakikibagay na luwal ng pangingilag sa kanya ng mga tao pero wala siyang mapamilian - kailangan niyang uminom! Hindi naman sa nasasabik siya sa alak, dahil maski no'ng araw ay hindi siya isang lalaking lasenggo. Tahimik na tao siya, marunong makisama, hindi mahilig sa gulo. Basta nabubuhay siya sa pagdidiyaryo-bote, tapos! Basta nakapag-uuwi siya ng pambigas at pang-ulam ng mag-ina niya.

Pero iba no'n at iba ngayon. Noon ay naguguluhan lang siya sa buhay niya. Ngayon, naguguluhan na'y namamait pa.

No'ng bago siya napilitang ipasok sa mental hospital ang asawa niya, sa maghapong pagbababad niya sa mga kalye, ang problema niya'y isang tanong tungkol kay Angela: Nababaliw nga kaya siya? Natatakot siyang baka nababaliw na nga si Angela, natatakot siyang nababaliw na nga si Angela at sa isang pagkakataong wala siya sa bahay ay may mangyari pati sa anak niyang si Botik. Naaalala niya lagi 'yong baliw na inang walang awing dinukot ng plais ang mata ng anak niya. naaalala niya 'yong baliw na amang nagtarak ng krus sa dibdib ng kanyang anak sa matinding paghahangad nito na itaboy ang masamang espiritung lumalamon daw sa katawan at utak ng bata.

Pero pa'no pag ipinasok niya sa ospital si Angela? Sino pa ang titingin kay Botik? Pareho lang silang walang kamag-anak sa lunsod. Siya - sa Palawan siya isinilang at lumaki. Napunta lang siya sa Maynila sa paghahanap ng kapalaran. Si Angela - isang galing sa Iloilo na naloko ng isang kinatawan dawn g employment agency. Ipinasok na katulong sa Maynila, ginahasa, ipinagbili, pinagpasa-pasaan ng mga parukyanong Intsik - lumang kuwento, para kang nagbasa ng kuwento sa komiks.

Kung bakit ngayo'y parang nababaliw si Angela, hindi niya alam. Ewan niya kung may kinalaman dito ang naging kapalaran niya sa lunsod. Maaari din naming nasa lahi na talaga ni Angela ang pagkabaliw. O baka dahil napaglilipasan ng gutom si Angela?

Hindi niya alam.

Anu't anuman, kononsidera ni Onofre na ipasok sa ospital si Angela, lalu na nang kakitaan niya ito ng malalang pakikipagtalo sa sarili sa kanyang pag-iisa, ng pagpupumilit sa buwan na "hulugan siya ng sundang na pambukas ng kanyang tiyan" sa kalaliman ng gabi, sa pakikipagkagalit sa mga aninong hindi niya maubos-maisip. At bahagi ng paghahanda ni Onofre sa paglala ng kalagayan ni Angela ang pag-alam sa kung paano kaya si Botik kung saka-sakali.

Sa pamamagitan ni Chabeng, natuklasan ni Onore ang tungkol sa settlement house. Nakipagkita siya ro'n. At habang pinag-iisipan niyang mabuti ang gagawin kay Angela, inihanda ang mga kailangang isumite sa ampunan, tulad ng mga sertipiko ng kapanganakan at pagkabinyag kay Botik-kotik.. kay Maria Aliw.

Hanggang isang araw ay umuwi siya sa malalang pagkakagulo ng mga kapitbahay. Si Angela raw, ayon sa paniwala nito, ay hinulugan na ng buwan ng sundang at ngayo'y sinisikap buksan ang sariling tiyan para isolo do'n ang kanyang si Aliw - dahil do'n lang makakatiyak ng kaligtasan ang isang bata, sa tiyan ng kanyang ina!

Pinagmadali siya ng mga kapitbahay sa paggawa ng desisiyon. May nagsilid ng ilang damit ni Aliw sa isang supot na plastik, may nagsilid ng ilang damit ni Angela sa isang supot na plastik din. May nag-abot sa kanya ng pantaksi. May tumawag ng taksi para sa kanila.

At mula sa araw na ipasok niya sa pagamutan si Angela, ang kustiyon ng kung nababaliw na nga ba ito'y napalitan ng ukilkil ng tanong na, gagaling pa kaya siya?

Kailangang gumaling siya. Kailangang makuha namin si Botik. Diyos ko, h'wag mong pabayaan magkaganito ang pamilya ko!

Una'y para madagdagan pa ang kita niya para magamit niya sa mga gamut ni Angela at mga pasalubong kay Botik-kotik, at pangalawa'y para matakasan ang pag-iisa niya't pangungulila sa gabi, nagdagdag pa ng hanapbuhay si Onofre: nagtinda siya ng balut, naghugas ng mga pamasadang diyip, nagtulak ng mga kariton ng gulay. Sa kanto ng Tayuman at Felix Huertas, sa piyer, sa Asuncion. kahit sa mga lugar kung saan naglipana ang mga pulis at magnanakaw, kahit sa mga oras ng curfew na lumilitaw ang mga Metrocom at tumatago ang mga kriminal!

Sampung taon pagkaraan at iba na ang tanong ngayon ni Onofre sa sarili kaugnay ni Angela: kumusta na kaya siya ? Gusto niyang dalawin si Angela pero natatakot siyang malaman kung kumusta na kaya ito. Baka mas malala pa si Angela sa dati. Baka patay na. At pa'no kung gumagaling na si Angela at itanong sa kanya, kumusta na ang anak natin? Hindi niya masasabi kay Angela na sa loob ng nakaraang sampung taon ay hindi niya nakita ang anak maski minsan. Hindi pa rin siya makapagpakita rito hanggang ngayon. Wala siyang madadala sa anak maski mumurahing manika. Hindi niya maiuuwi ang anak kung sakali't gusto nitong sumama sa kanya, sa simpleng dahilan na wala siyang bahay na mapag-uuwian dito. Hindi niya masasabi sa anak kung saan siya galing at inabot siya ng sampung taon bago muling lumitaw.

Kaya umiinom siya. Wala siyang magawa sa problema niya kundi uminom at ipagluksa ang buhay niya sa bawa't magdamag.

Pero hindi tama ito, ngayo'y sinasabi ni Onofre sa sarili, habang pinagmamasdan ang matapang at mumurahing alak sa baso niya. Kailangan, magpakatino ako, maghanap ng trabaho, magplano ng buhay namin. May pamilya 'ko, hindi tama 'tong uminom lang ako gabi-gabi. Kailangang balikan ko ang pamilya ko!

"'Ba, pare, nagtatagal ang baso sa 'yo. Palakarin na 'yan, 'ba!"

Nagkantahan ang mga kainuman ni Onofre. Tagay na, tagay pa; tulad ng tagay mo kagabi ! Sumigla ang kantahan nila at nasingitan ng mga linyang bastos.

Dinala ni Onofre ang baso sa bibig niya. Tinungga. Umangat ang mukha niya mangyari pa. Nang maaninaw niya ang tila multong nakatayo sa likuran ni Imo. Natigilan siya. Napakurap. Lasing na 'ata siya, namamalikmata na siya. nakakakita na siya ng mga kaanyuang imposibleng mapunta sa harapang ito!

"'Nofre?"

At natiyak niyang nagsalita nga ang nasa likuran ni Imo, dahil bumaling sa direksiyon ng tinig ang mga ulo sa palibot niya.

"Angela?"

Blangka ang mukha ni Angela. Hindi nanunumbat ang tinig, hindi nagtatanong. nagpapahayag. "Umiinom ka lang pala diyan."

"Angela?" hindi pa rin makapaniwala si Onofre. Kasabay nito'y parang wala sa sariling napatayo siya. Dahan-dahang napahakbang. Natahimik sandali ang mga kainuman niya, bago dahan-dahang gumapang ang anasan. Si Angela. Aba, si Angela nga !

"Kelan ka lumabas? Sa'n ka umuuwi?" nakaangat na ang dalawang kamay ni Onofre sa tangkang paghawak sa magkabilang balikat ni Angela. Nag-uumpisa nang magkabuhay ang mga damdamin sa loob niya: pananabik, kasiyahan, suyo. "Angela."

Bahagya pa lang sumasayad ang mga kamay ni Onofre sa magkabilang balikat ni Angela nang mapaigtad siya, mapahugot ng marahas na hininga, manlaki ang mga mata sa masidhing pagkagimbal. "Angela!"

Kasabay nito, ang pulasan ng mga nakapaligid. May napatalon, may napatakbo, may nasubasob. Bumagsak ang upuang bangko, nabasag ang mga bote't baso, sumabog ang pulutang mani, lumipad ang mga sigarilyo. Alam nilang baliw si Angela, nasa mental, tumakas lang siguro, at narito ngayon para pumatay! Takbo kayo, papatayin tayo ni Angela!


BALITA, balita! Si Onofre Miguel, 36, ay bigla na lang sinaksak ng asawa niyang si Angela Miguel y de la Cruz sa isang tindahan sa panulukan ng Caballero at Matimtiman Streets sa Tundo, Maynila. Si Angela ay napag-alamang kagagaling lamang sa National Mental Hospital at pinalabas sandali ng mga doktor sa pag-asang magaling na ito at bilang paghahanda sa lubusang pagre-release sa kanya, samantalang si Onofre ay kalalaya lamang mula sa city jail ng Maynila. Si Miguel ay nasangkot sa salang panghoholdap na may kasamang pagpatay noong 1973, hindi nabistahan minsan man sa loob ng nakaraang sampung taon, at pinalaya ng korte sa bisa ng appeal na inihain ng isang human rights organization kaugnay ng pagkayurak sa karapatan ng akusado sa mabilis at makatarungang paglilitis.

Ang bangkay ni Onofre Miguel ay nakaburol ngayon sa barangay headquarters ng kanilang lugar, samantalang si Angela Miguel naman ay ibinalik sa mental hospital ng mga nakasaksi.


(3rd Prize, Palanca Memorial Awards for Literature)